Abante Tonite Interactive

Calida sinipa ng balae ni Villar

834

Sunod-sunod na dagok ang natikman ni Solicitor General Jose Calida at ang kanyang Vigilant Investigative and Security Agency Inc.

Isang linggo matapos tanggalin ang security firm ni Calida sa Kamara, isa pang kliyente ang nawala sa kamay ng Solicitor General.

Napag-alaman ng Politiko/Tonite na simula Pebrero, ang Vigilant Security ay hindi na mamamahala ng security operation sa Rizal Park matapos magdesisyon ang National Parks Development Committee na ibigay ito sa ibang kompanya matapos ang bidding noong Disyembre.

Isiniwalat ng ilang insider sa Vigilant Security na ang security operation sa Luneta ay hahawakan na ng Agility Security Guard Expert na nasa ilalim ng AGLIPAY Security Inc.

Noong 2017, nasungkit ng Vigilant ni Calida ang P39.6 milyong security contract ng NPDC subalit hindi nila ito pina-renew bagkus ay pinaboran ang AGLIPAY Security.

Umaabot sa 16 government contract ang nakorner ng security firm ni Calida na nagkakahalaga ng P358.33 mil­yon simula nang maluklok si Pangulong Duterte sa puwesto.

Samantala, ang AGLIPAY Security ay pagmamay-ari naman ng pamilya ni retired Philippine National Police (PNP) chief Edgar Aglipay.

Ang dating police general ay ama ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, na asawa naman ni Public Works Sec. Mark Villar.

Base sa website ng AGLIPAY Security, kabilang sa kanilang mga miyembro ay ang mga shopping mall at convenience store na pagmamay-ari ng balae ng retiradong heneral, si dating Se­nate Pre­sident Manny Villar at asawang si Sen. Cynthia Villar. (JC Cahinhinan)