Abante Tonite Interactive

Call center agent huli sa ecstasy

248

Hindi na nakapalag ang isang call center agent nang dakpin ito ng mga awtoridad matapos mahulihan ng party drugs o isang uri ng ecstasy sa buy-bust operation sa Cebu City.

Nakuha sa suspek na si Elvin Joseph Laput, 24, ang 15 tableta ng ecstasy na tinata­yang nagkakahalaga ng P25,000 sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency, ala-una nang madaling-araw ng Biyernes sa Brgy. Capitol Site, Cebu City.

Sa nakalap na ulat, sinusubaybayan na umano ng mga awtoridad ang kilos ni Laput at nabatid na nagpupunta ito sa iba’t ibang mga bar sa Cebu para sa kanyang mga transaksiyon.

Isinagawa ang pina­igting na operasyon ng mga awtoridad kontra sa iligal na droga makaraang mamatay ang 19-anyos na dalaga sa nasabing siyudad noong Enero dahil diumano sa overdose ng hindi pa malamang droga.