Abante Tonite Interactive

Call center analyst tumalon sa 27th floor

360

Pinaniniwalaang nagpakamatay ang isang 33-an­yos na binatang call center analyst sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-27 palapag ng isang hotel sa Quezon City nitong Linggo ng madaling-araw.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Julius Raz ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-singko ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa hotel kung saan residente ang biktima.

Sa pahayag sa pulisya ng security guard na si Michael Resoco, nasa outpost umano siya sa lobby ng hotel nang makarinig ng malakas na lagapak mula sa drop off point main entrance.

Inusisa umano ni Resoco ang lugar at bumungad sa kanya ang lasog-lasog at duguang katawan ng biktima.

Ayon sa rumespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team na pinamumunuan ni Police Maj. Joseph Infante sa crime scene, nagtamo ang biktima ng multiple fractured injury at nabasag ang bungo.

Tumanggi naman umanong paimbestigahan ng kapatid na lalaki ang sinapit ng biktima dahil kumbinsido umano ito na sadyang nagpakamatay ang binata.

Sa kabila nito, nag-iimbestiga pa rin ang pulisya para malaman kung sadya nga bang nagpakamatay ang biktima o may foul play sa insidente. (Dolly Cabreza)