Abante Tonite Interactive

Calling card ng pulis, politiko tatablahin sa traffic violation

255

Inutos ni Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Police Lt. General Archie Gamboa sa lahat tauhan nito na nagbabantay sa kalsada na balewalain at tuluyang hulihin ang mga motorista na nagpapakita ng calling card ng mga opisyal o kilalang politiko para makaligtas sa paglabag nito sa batas trapiko.

Ayon kay Gamboa, naoobserbahan niya na madaling natatakot ang mga pulis kapag nakakahuli sila ng mga lumalabag sa trapiko at pinakikitaan sila ng mga calling card ng mga maiipluwensyang tao na sinasabing kaibigan umano nila.

“We will no longer tolerate this. Bawal na ang mga nagpapasindak sa mga nagpapakita ng mga calling card,” saad ni Gamboa sa kanyang statement.
Kasong administratibo ang kahaharapin ng sinumang lalabag umano sa nasabing kautusan ayon pa kay Gamboa.

Paliwanag ni Gamboa, maraming motorista umano ang gumagawa ng ganitong paraan para makaiwas sa traffic violation, lalo pa ngayong Kapaskuhan, kung saan buhol-buhol ang daloy ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

“Lalo na ngayong Pasko napakaraming pasaway. Kailangan lahat sumunod at kailangan lahat pantay-pantay. We cannot eliminate corruption if we cannot even address this palakasan system even on simple traffic violations,” pahayag ni Gamboa. (Edwin Balasa)