Abante Tonite Interactive

Caloocan, Malabon may ASF na rin — DA

171

Nagtala ng 24 na bagong outbreak ng African swine fever (ASF) ang Department of Agriculture sa Bulacan, Pampanga, Ma­labon, at Caloocan.

Sa ulat ng Bureau of Animal Industry sa OIE o World Animal Health Organization, nasa 40,480 ang mga baboy na apek­tado, 177 sa mga ito ang namatay dahil sa ASF at 40,303 ang pinatay, sinunog, at inilibing para hindi na makahawa.

Hindi pa kasama sa follow up report no. 2 ng Pilipinas sa OIE ang kaso ng ASF sa isang lugar sa Nueva Ecija.

Sabi ni BAI officer-in-charge Ronnie Domingo sa isang press conference kahapon, umaabot na sa 70,000 ang baboy na namatay o pinatay dahil sa ASF para hindi na kumalat ang sakit.

Ayon sa OIE follow up report no. 2, pinakamarami ang apektado sa outbreak sa Candaba, Pampanga kung saan 5,308 na baboy ang pinatay nang nalamang nagka-ASF ang limang baboy dito. September 25 nagsimula ang outbreak sa Candaba na karamihan ay sa mga ala­gang baboy sa bakod.

Ang sumunod na malaking outbreak ay sa Baliwag, Bulacan kung saan 4,419 ang pinatay samantalang 90 ang nakitaan ng ASF noong September 18. Sumunod ang sa San Luis, Pampanga, kung saan 4,266 ang pinatay at pito ang nakitaan ng ASF noong September 2. Pa­ngatlong malaking outbreak sa ulat na ito ang sa Plaridel, Bulacan kung saan 4,261 ang pinapatay, at 16 ang namatay sa 28 nakitaan ng ASF noong September 3.

Ayon kay Domingo, ‘managed’ pa naman ang pagkalat ng ASF sa bansa. Si Domingo ay kasama sa team ng DA na matagumpay na napuksa ang foot and mouth disease sa mga baboy sa bansa.

Ang iba pang mga bagong kaso ng ASF ngayon ay sa Guiguinto, Bulacan kung saan 1,999 ang pinatay at 42 ang nakitaan ng sakit; sa Malolos, Bulacan kung saan 2271 ang pinatay at 8 ang namatay; Calumpit, Bulacan na 2,587 ang pinatay, 12 ang namatay sa ASF at 14 ang nagpositibo; Minalin, Pampanga kung saan 1,004 ang apektado; Balagtas, Bulacan na 1,683 ang apektado; Bulakan, Bulacan na may 2,452 na apektadong baboy; Pandi, Bulacan na may 3,194 na apektadong baboy; Apalit, Pampanga na may 1,458 na apektado; Hagonoy, Bulacan na may 124 na apek­tado; Paombong, Bulacan na may 549 na apektado; Angeles, Pamapanga na may 285 na apektado; San Simon, Pampanga na may 2,703 na apektado; Pulilan, Bulacan na may 954 na apek­tado; Malabon na may 11 na apektado; San Fernando, Pampanga na may 212 na apektado; Bustos, Bulacan na may 81 na apektado; San Rafael, Bulacan na may 126 na apektado; Caloocan na may 103 na apektado; Bacolor, Pampanga, na may 217 na apektado; at Porac, Pampanga na may 177 na apektado. (Eileen Mencias)