Abante Tonite Interactive

Calvo, Sarmiento binanggit sa POC Election Committee

161

Tiwasay na naganap ang Philippine Olympic Committee (POC) Executive Board Meeting Lunes ng umaga kung saan tuluyang naitakda ang Extraordinary General Assembly sa alas-11 nang umaga sa Hulyo 18 sa Manila Golf Club sa Makati.

Ito ang binahagi ni POC Board Member Robert Mananquil, na na-assign na ihayag sa media ang isang resolusyon na inaprubahan ng POC Board.

Aniya tanging ang 42 regular national sports association (NSAs) presidents o secretary general, dalawa mula sa athlete’s commission representative na sina Hidilyn Diaz at Henry Dagmil pati si IOC representative to the Philippines Mikaela Antonia ‘Mikee’ Jaworski ang papayagang makadalo sa nakatakdang extraordinary general assembly.

Pito lang sa 12 POC board members ang dumalo sa POC Execom meeting na binubuo nina first vice president Jose Romasanta, 2nd VP Jeff Antonio Tamayo Jr., auditor Jonne Go, board members Mananquil at Prospero Pichay Jr., IOC Representative to the Philippines Jaworski at treasurer Julian Camacho, na nakasama sa pagpupulong sa pamamagitan via tele-conference mula sa China.

‘Di pinadalo ang Board Secretary General at Immediate Past President na ang mga posisyon ay pinag-aawayan base na rin sa direktiba ng International Olympic Committee at Olympic Council of Asia.

Inirekomenda naman ng Board ang dating Comelec Commissioner na si Rene Sarmiento para mamuno sa Election Committee kasama si Fr. Vic Calvo ng Letran at isang kinatawang ihahayag ng Philippine Dispute Resolution Center Inc. sa pamumuno ni Eric Ingles. (Lito Oredo)