Abante Tonite Interactive

Campo-money

278

Dahil sa dami ng nagla­lakihang premyo ngayon sa mga poker tournament, hindi ko masisisi ang karamihan kung pera agad ang naiisip kapag nakakakita ng professional poker player.

Mas lalong hindi mo sila masisisi kung ang makikita nilang manlalaro ay ang isa sa pinakamainit ngayon sa mundo ng poker na si Flo­rencio Campomanes IV.

Sa nakalipas na Red Dragon Series sa Okada ay halos nasa P19 milyon ang nakuhang premyo ni Campomanes kung isasama ang PokerStars Players Championship (PSPC) Platinum Pass na napanalunan niya sa flip-out.

Ilang buwan lang ang nakakalipas ay nanalo naman ng P11 milyon si Campomanes sa Asia Pacific Poker Tour (APPT) Main Event dito sa bansa natin.

Pero alam ba ninyo na parang dumadaan lang sa kamay ng mga poker player natin ang pera? Marami kasi sa mga poker player natin ang sad­yang mahilig sa sugal kaya pagkatapos manalo sa torneo ay madalas na nalulustay lang nila ang premyo sa casino.

Mismong si Campomanes ay aminado na dumaan siya sa sitwasyon na hindi niya nagamit nang wasto ang mga napanalunan niya sa torneo. Pero ngayon ay alam niya na ang kanyang mga prayoridad sa buhay lalo na at mayroon na silang dalawang supling ng kanyang kabiyak.

Isa sa mga bagay na nais ibahagi ni Campomanes sa mga kapwa niya poker player ay kung paano mapapabuti ang kanilang buhay sa labas ng poker. Alam niya na hindi sa lahat ng pagkakataon ay dadapuan sila ng suwerte.

Gusto rin niyang mapangalagaan ang kapakanan ng mga ordinaryong poker players na madalas ay walang nadudukot sa oras ng pangangailangan.

Naniniwala ang inyong lingkod na kung meron tayong poker player na kayang i-empower ang mga kapwa niya players, iyan ay si Florencio IV.