Abante Tonite Interactive

Cancer patient tinanggihan na ng mga doktor

Filipino pang-apat sa mga dayuhang pasyente ng FUDA (Last Part )

485

Sa tala ng FUDA, may mahigit 10,000 pasyente na ang napagaling mula sa 100 iba’t ibang mga bansa sa buong mundo. Limampung (50) porsiyento dito ay mula sa Southeast Asia, Middle East, Oceanica, ­Europe at North America.

Nangunguna sa listahan na suki ng FUDA ay ang mga pasyente mula sa ­Malaysia, sinundan ng Indonesia, ­Middle East, pang-apat ang Pilipinas.

Ayon kay Dr. Mu Feng, vice president ng FUDA; Thora­cic Surgery Expert and Minimal Invasive Oncologist, minsan sa loob ng isang buwan nakakapagtala sila ng 15 hanggang 20 bilang ng mga pasyenteng Pinoy ang nagpapagamot kada buwan.

Kinabibilangan ito ng ilang mga kila­lang negosyante, at mga politiko ngunit hindi nila maaaring isapubliko ang pa­ngalan nang walang pahintulot ang pasyente.

Isang pasyenteng Pinoy ang natiyempuhan ng ilang mamamahayag at nagpaunlak na makapanayam bago siya isalang sa Microsphere Local chemo the­rapy, siya si Eddie Digal, 69-anyos, retired government employee, tubong Sultan, Kudarat na may stage 4 colon cancer with liver metastasis.

Bago pa man ito dalhin ng pamilya sa China, inoperahan na ito sa isang ospital sa Davao at na-detect na nasa stage 3 na ang kanyang colon cancer kung kaya’t isinailalim ito sa anim (6) na chemo therapy.

Ngunit matapos ang anim na chemo ay walang naging pagbabago o epekto sa halip ay tumalon pa sa stage 4 ang kanyang kanser hanggang sa malaman ng kanyang anak na doktor na nasa US na ­siyang nagrekomenda sa FUDA.

Agad dinala ng pamilya si Ginoong Digal sa China, sa una niyang treatment ay umabot siya ng mahigit 15 araw noong May 2018.

Ayon kay Ginoong Digal, naging buwan-buwan na ang kanyang paglipad sa China at tumatagal nang isang linggo kasama na ang masinsinang checkup at nakatapos na siya ng limang session ng kanyang therapy. Isa na lamang ang kanyang kailangan para matapos na ang kanyang gamutan.

“Malaki ang pagkakaiba ng chemo sa Pilipinas dahil pagkatapos mong ma-chemo ay hinang-hina ka nang halos 2 linggo at hindi ka makakain. Dito ay okay naman dahil ang affected area lamang ang tatamaan ng ­gamot,” anang pasyente.

Payo ni Ginoong Digal, magpa-checkup nang maaga upang maging madali ang gamutan at huwag panghihinaan ng loob. Kung kaya na rin lang at may sapat na perang magagastos ay mas maganda ang ganitong treatment.