Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Car industry muling babangon

0 350

Inilabas ng Chamber of Automotive Manufacturers (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA) ang kanilang sales report para Hunyo 2020. Umangat ang benta ng grupo sa 15,578 units mula sa 4,788 units noong Mayo. Pero kung susumahin ang benta mula Enero hanggang Hunyo, bumagsak ang sales sa 85,041 na 51.2% lamang kumpara sa 2019.

May dalawang grupo ang car industry ng Pilipinas. Bukod sa CAMPI/TMA, meron pang Association of Vehicle Importers and Distributors (AVID) na may 21 members. Umakyat sa 3,967 units ang benta ng AVID noong Hunyo. Sa Enero-Hunyo, nakapagtala sila ng 19,455 units.

Noong 2017, umabot ang buong car industry sa 448,107 units, pero hanggang 416,637 units lang noong 2019. Pagpasok ng 2020, agad na sinalubong ang industriya ng pagputok ng Taal Volcano noong Enero pa lamang. Sinundan eto ng Covid-19 pandemic kung saan tumigil ang negosyo mula Marso 15 hanggang Mayo 31. Noong Abril, hindi man lang umabot sa 200 ang benta ng buong industriya. Hunyo pa lamang nag-umpisang bumalik ang gawain sa car industry, sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng health protocols.

Naka-chat natin si Mr. Manny Aligada, ang presidente ng Kia Philippines. Napag-usapan etong chart na ipinakita niya sa media.


Malaki ang paniwala ni Mr. Aligada na makakabangon ang industry bago matapos ang taon. Babalik na sa normal ang car industry pagpasok ng 2021. Kung baga sa kalsada, isang hump lang daw ang pandemic sa magandang takbo ng industriya. Bagama’t mahirap nang pantayan ang 420,000 benta ng nakaraang taon, aabot pa sa 275,000 ngayong taon sa tantiya ni Mr. Aligada.

Ngunit hindi madali ang pagbangon ng industriya, kung saan malaking bahagi ng benta ay sa pamamagitan ng auto loan ng mga bangko. Dahil marami ang nawalan ng kita at trabaho sa panahon ng pandemic, posibleng maghigpit ang mga bangko sa paglalabas ng auto loan. Magkakaroon eto ng epekto sa sigla o tamlay ng mga mamimili.

Sa kabila nito, may nakikitang oportunidad si Mr. Aligada. Sa tingin niya, magiging mabenta ang mga entry level o’ maliit na sasakyan bilang sagot sa pangangailangan ng personal mobility ng mga taong natatakot gumamit ng public transportation; lalo na ang mga modelo na may presyong hindi lalagpas sa P650,000 lamang. Swak dito ang mga affordable na modelo ng Kia na Picanto at Soluto.

Para sa mga maliit na negosyante, iniaalok ng Kia ng kanilang K2500 LCV (light commercial vehicle) para panghakot ng paninda at kargada. Gagawa rin sila ng mga sales promotion para gumalaw ang benta ng iba pa nilang modelo mula ngayon hanggang sa katapusan ng 2020.

May tatlumpong dealers na ang Kia sa buong bansa. Dahil sa inaasahang pagbangon ng benta, magdadagdag pa sila ng apat sa Marikina, Fairview, BGC at Isabela. Hindi lamang yan; may sorpresa pa na bagong modelo sa darating na kapaskuhan.

“The coronavirus and lockdown may have taken their toll on the local and global economy. Yet, we at Kia Philippines, are confident that we will overcome these with sales and aftersales initiatives, continuous expansion of our dealer network, and an unboxing of an all-new model,” pahayag ni Mr. Manny Aligada.

Leave A Reply

Your email address will not be published.