Abante Tonite Interactive

CARAGA susulong na

281

KALIHIM NATIN

Mariin nating kinukondena ang walang awang pagkitil sa buhay ng isang halal na lingkod-bayan ng Dinagat Island sa Surigao City, Linggo nang umaga.

Sakay ng isang motorsiklo matapos mag-jogging kasama ang kanyang kabiyak, pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin si Bokal Wenefredo Oloferres.

Hindi pa man napapatunayan kung may kaugnayan ito sa mga makakaliwang grupo, ang pagpaslang kay Bokal Oloferres ay nangyari sa kabila ng gumagandang peace and order situation sa Caraga Region na matagal na ring ginagambala ng hindi-kagandahang karanasan sa kamay ng mga makakaliwang armado.

Sa gitna ng isang panunungkulang may tunay na nagmamalasakit sa ating mga kababayang napag-iiwanan, nakikita na natin at nararamdaman ang unti-unting paglabnaw ng impluwensiya at kabuluhan ng isang kilusang namalagi sa ating pambansang kamalayan sa loob ng kalahating siglo.

At hindi lamang ito limitado sa iilang bahagi ng bansa. Halos lahat ng mga lalawigan kung saan noon ay namayagpag ang kilusang rebolusyunaryo, ramdam na ngayon ang mabilis na pagnipis ng bilang ng kanilang mga taga-pagtaguyod, tagasuporta at taga-panalig.

Ang tinutukoy ko ay ang mga bagong pangyayari sa Rehiyon ng CARAGA o Region 13.

Ibinunyag ng ating mga kabalikat sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang malawakang pagsuko ng 396 na mga kapanalig sa Surigao del Norte ng komunistang New People’s Army (NPA) noong nakaraang Huwebes.

Kasama sa mga sumuko ang 37 Sangay sa Partido Lokal (SPL), 46 Militia ng Bayan (MB), 146 mula sa Underground Mass Organization (UGMO), at 167 mga tagasuporta. 244 sa mga ito ang sumuko sa Malimono at 152 sa 30th Infantry Battalion headquarters sa Sta. Cruz, Placer, Surigao del Norte.

Malungkot man ang sinapit ng halal na lingkod-bayan noong Linggo nang umaga, ang mga pangyayaring gaya nito ang siyang lalong nagpapaigting sa ating pangkalahatang adhikain tungo sa isang lipunang batbat ng payapa at ginhawa para sa lahat.

Bilang Cabinet Officer on Regional Development and Security (CORDS) para sa Caraga Region, naumpisahan na nating pag-ugnayin ang lahat ng ahensyang kabahagi sa pagpapanatili ng katiwasayan at pagsulong ng kaunlaran sa nasabing rehiyon. Noong Hunyo, sabay nating pinulong ang Regional Peace and Order Council at ang Regiuonal Development Council ng Region 13 sa Butuan City upang itakda ang direksyong tatahakin ng rehiyon tungo sa katatagan at pangmatagalang paglago ng ekonomiya doon.

Asahan po ninyo na ang pagganda ng sitwasyong pangkatiwasayan sa Caraga Region at ang pagbuti ng kalagayang pang-ekonomiya ay sasamantalahin ng pambansang pangangasiwa upang lalo pang mapalago ang mga gawaing pangkalakalan at mga inisyatibong pangkabuhayan para sa ating mga kababayan doon.

Sa isang matatag at determinadong paraan, unti-unti nating sinisi-guro ang isang magandang kinabukasan para sa Mindanao at sa buong kapuluan.