Abante Tonite Interactive

Cardio-pulmonary clearance

204

Kamakailan ay mayroon tayong tagasubaybay na sa kasamaang palad ay mangangailangan ng operasyon sa binti dahil sa isang aksidente. Ngunit hindi dito ang kanyang pakay kundi ay “Bakit ko po kailangan na mag-undergo ng CP clearance? Malakas naman po ako at wala naman sakit o nararamdamang kakaiba. Bata pa po ako sa eded na 32-anyos. Saka med­yo makakadagdag sa gastusin dahil mada­ming pinapagawa at kinakailangan pang pumunta ako sa ibang doktor. Baka naman puwedeng hindi ko na gawin eto. Salamat po sa dami ng tanong ko.”

Unang-una sa lahat ay dahil naaksidente ang ating tagasubaybay ay pinagdadasal natin na ma­ging maayos siya at maayos din ang gagawing ope­rasyon sa kanya. Alam natin na ang operasyon, mapa-minor o mapa-major surgery ay mayroong expected results, ngunit wala tayong garantiya sa resulta nito. Kaya hangga’t maaari ay pinabababa natin ang ‘risks’ o mga panganib sa mga maaaring kumplikasyon nito. Sa kagustuhan nating maging ‘uneventful’ o walang kumplikasyon ang surgery, isa sa kailangang gawin ay ang CP clearance o cardio-pulmonary clearance. Kahit ang operasyon ay nasa binti lamang, kailangang makasiguro na malakas ang buong katawan para maging matagumpay ang gagawin at mas dumali ang paggaling.

Ang puso at baga ay dalawa sa mga organ na kailangang mapanatiling maayos kapag binigyan ng anesthesia ang isang pasyente. Para magawa ito, kinakailangang makita ang resulta ng eksaminas­yon sa dugo. Hindi lang kondisyon ng puso at daloy ng dugo ang tinitingnan dito, kundi pati na rin ng kidneys at atay. Kaakibat nito ay ang ECG, para makita ang kilos ng puso, at ang chest X-ray para naman sa kundisyon ng baga. Ang nagbibigay ng clearance ay isang internist o espesyalita ng mga medical na karamdaman.

Kung may mga ‘di kanaisnais na resulta, maaari ring magpagawa ng iba pang eksaminasyon gaya ng 2D echo, stress test, ultrasound, CT scan, MRI, o iba pang blood test at baka kailanganin ang mga indibidwal na espesyalista gaya ng cardiologist sa puso; pulmonologist sa baga; endocrinologist o diabetologist sa mga hormone; nephrologist sa bato; gastroenterologist sa atay; neurologist sa utak, at iba pa.

Hindi rin ang mga may edad lamang ang kinakailangan sumailalim nito, pati na rin ang mas bata at mga bata. Hinihingan natin ng pediatric clearance mula sa mga pediatrician kung bata o wala pang 18-anyos ang pasyente. Hindi kasi namimili ang karamdaman ng edad. Kahit sino maaaring may karamdaman pala na maaaring magbigay ng problema sa procedure. Lalong-lalo na dahil walang nararamdaman ay wala ng problema.

Ang CP clearance ay para makasiguro na maayos ang surgery, walang bubulaga na kumplikasyon, handa lahat ng doktor at higit sa lahat ay umayos ang paggaling ninyo.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Aca­demy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talaka­yan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing Linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.