Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Carjacking boss tigok sa Bilibid

0 54

BINAWIAN na ng buhay ang convicted carjacking inmate na si Raymond Dominguez sa hindi pa batid na dahilan sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) kahapon sa Muntinlupa city.

Nadiskubre ang bangkay ni Dominguez alas-6:20 ng umaga.

Ayon kay Gabriel Chaclag, tagapagsalita ng Bureau of Correction (BuCor), isasailalim sa autopsy exam ang bangkay ni Dominguez upang malaman ang sanhi ng pagkasawi nito bagama’t naniniwala sila na walang naganap na karahasan o foul play.

Una na aniyang napansin ng kanyang mga kakosa ang kawalan ng gana at mistulang tulala ni Dominguez sa mga nakalipas na araw.

Nauna rito’y natuklasan din ang pagkakaroon ni Dominguez ng hika at erectile dysfunction bunga ng mataas na blood sugar level at pagiging diabetic.

Sa impormasyon, hindi umano naniniwala ang maybahay ni Dominguez na “natural death” ang sanhi ng ikinamatay ng mister dahil kamakalawa ng gabi ay magkausap pa silang dalawa.

Dalawang ulit na tinamaan ng COVID-19 si Dominguez sa loob ng NBP kaya pumutok ang balita noong buean ng Hulyo ng taong 2020 na pumanaw na siya habang nasa isolation facility ng Site Harry.

Noong Abril 2012, hinatulan ni Malolos Regional Trial Court Judge Wilfredo Nieves ng Branch 84 si Dominguez ng pagkabilanggo mula 17-30 taon sa kasong carjacking sa Toyota Fortuner ng isang Danilo Escoto.

Si Dominguez at ang kanyang grupo ay marami pang nakabimbing kaso kabilang na ang carnapping at illegal drugs.

Siya rin at ang kapatid nitong si Roger, na mga lider ng Dominguez carjacking group ang itinuturong suspek sa pagpatay at panununog sa bangkay ng car dealer na si Venson Evangelista, anak ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Boy Evangelista.

Si Raymond at dating sexy star na si Katrina Paula ay nagkarelasyon at nagkaroon ng isang anak ngunit ngayon ay matagal nang hiwalay. (Mia Billones/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.