Abante Tonite Interactive

Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo bagong idolo matinik sa gymnastics!

891

Matulungin, mapagmahal sa pamilya

May mga panalo na rin si Caloy sa iba pang mga international competition sa Hong Kong, Japan, Singapore. Estados Unidos, Russia, Qatar, Australia, at Azerbaijan.

Tinuran si Caloy ng kanyang ina, “bilang 1 anak at kapatid na masunurin, mabait, mapagmahal, magalang mapagbigay, marunong makinig, at may takot sa magulang at sa Diyos. Pero matampuhin at sumpungin .”

amumutiktik sa mga alamat ang Philippine sports sa iba’t-ibang disiplina.

Noon pa man may mga dakilang lumitaw na. Ngayon may sumusunod sa kanilang mga yapak magkaiba man ang kanilang mga nilalaruan.

Kung boxing ang usapan, nariyan sina Sen. Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao, Anthony Villanueva at Mansueto Velasco, Jr; sa basketball sina Carlos ‘The Great Difference’ Loyzaga at Ramon ‘El Presidente’ Fernandez noon, at sina June Mar Fajardo at Earl Scottie Thompson sa kasalukuyan; sa chess sina Eugenio Torre at Janelle Mae Frayna, sa weightlifting si Hidilyn Diaz, sa tenpin bow­ling sina Rafael Nepomuceno at Olivia Garcia-Coo, at iba pa.

Sa matagal na panahon tapos nina 1968 Tokyo Summer Games Olympians Fortunato Payao, Demetrio Pastrana, Eve­lyn Magluyan at Maria Floro, mayroon na ring 1 sa larangan ng gymnastics.

Tinedyer pa nga lang, pero ‘wag ka, kilala na siya sa iba’t-ibang panig ng daigdig. At lalo pang sumikat sa taong ito sa kagila-gilas na mga pinakita sa bawat laban.

Siya ang bagong idolo ng lahat, lalo na ng mga kabataan. si Carlos Edriel ‘Caloy’ Poquiz Yulo, 18 (b. February 16, 2000), tubong Balingkit-Leveriza sa Malate, Manila, ika-4 sa supling ng ulirang mag-asawang sina Mark Andrew at Angelica, at napipintong maging pambato ng Gymnastics Association of the Philippines o ng mga Pinoy sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.

Napaderan nang may 2 taon nang nakabase sa Japan sa pagtira sa Tokyo dahil sa pagti-training doon sa ilalim ni coach Munehiro Kugimiya at pag-aaral sa Teikyo University, ang sarili sa PH sports sa pangkalahatan at sa gymnastics partikular, dahil sa panalo ng bronze medal sa men’s senior floor exercise sa 48th Artistic Gymnastics World Championships 2018 sa Doha, Qatar nito lang Oktubre 25-Nobyembre 11.

Q&A

Abante: Napakarami ng sports, bakit gymnastics ang napili mong laruin?

Yulo: Actually ‘di naman talaga po gymnastics ang napili kong sport. Nagkataon lang po na marunong akong mag-tumbling kaya ipinagpatuloy ko lang hanggang sa magustuhan ko na lang po siya. Nagba-basketball po kami ni Papa, shooting lang.

Abante: Ano ba ang pangarap ng isang bata pa pero magaling nang si Caloy bilang 1 national athlete o gymnast?

Yulo: Gusto ko pong magaling na gymnast talaga at mag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics Games. Gusto ko rin pong makatulong sa pamilya ko sa paglalaro ko. Kaya po kahit mahirap ang scholarship at training ko sa Japan, nagtitiis po ako.

Abante: Marami ka nang mga napanalunang trophy at medal sa mga international at national competition sapul nang maglaro ka sa edad na 7 taon at makapasok sa national team noong 2013, ano ang pinakaespesyal sa mga tagumpay mo?

Yulo: Yung sa Doha World po kasi sabi nila historic. Ako pa lang daw naka-medal na Pilipino.

Abante: Mensahe mo sa mga kabataang nais ding maging Caloy Yulo pagdating ng araw.

Yulo: Una po lagi dapat sa atin ang Diyos. Magtiyaga, magtiis, sumunod sa magulang, sa coach at siyempre po kasama ang disiplina.