Abante Tonite Interactive

Castro may kapalit na

283

Kumpirmadong out na si Jayson Castro sa Gilas Pilipinas na isasabak sa 2019 Southeast Asian Games na iho-host ng bansa sa November 30-December 11.

Nakausap na ni national coach Tim Cone si Dr. Raul Canlas, sinabi ng orthopedic surgeon na isang buwan kailangang ipahinga ni Castro ang foot injury.

Inabot ang veteran internationalist ng muscle strain sa kanang paa sa 126-113 loss ng TNT sa NLEX nitong Biyernes sa PBA Governors’ Cup elims.

Isang buwan bago makapag-ensayo si Castro. Kailangan ay kondisyon na siya nu’n, dahil Dec. 2 ang umpisa ng SEAG men’s basketball tournament.

“That’s basically, as it turned out, too late for us,” wika ni Cone sa tinanggap na balita.

Balak ng coaching staff na ibalik sa 15 ang pool, may apat na pangalan na ang ikinokonsidera. Hindi lang mabanggit ni Cone para ‘di mapangunahan.

“We have, I would say, four players in mind that we would have to select from,” aniya.

Ang isa pang problema ay kung papayagan ng Phisgoc (Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee) na kumuha ng kapalit ni Castro sa pool. Naisumite na ang 15-man pool, pero ‘di pa ang final 12.

“We are not sure about the rules that can allow us to get somebody (as replacement),” wakas na wika ni Cone. “That’s being checked out by the SBP (Samahang Basketbol ng Pilipinas) if we can add someone to our 15-man pool.” (VE)