Abante Tonite Interactive

Catanduanes Gov Cua sinuspinde ng Ombudsman

By
255

Pinatawan kahapon ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman si Catanduanes Go­vernor Joseph Cua habang iniimbestigahan ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), kabilang sa mga kaso laban kay Cua ay abuse of authority, conduct prejudicial to the best interest of service, dishonesty at grave misconduct.

Nabatid na nasa Metro Manila si Cua nang isilbi ni DILG Legal Department Chief Atty. Zalman Uddin ang suspension order ng Ombudsman dakong alas-11:00 kahapon nang umaga sa tanggapan ng gobernador sa Catanduanes Provincial Capitol sa bayan ng Virac.

Kasabay nito, naglabas din ang DILG ng memorandum order kay Vice Go­vernor Sherley Abundo para magsilbing acting governor na epektibo kaagad.

Sa memorandum order ni DILG Regional Director Atty. Anthony Nuyda, sinabi nito na ang pagsuspende kay Cua ay alinsunod sa desisyon ng Deputy Ombudsman for Luzon na nagpapataw ng preventive suspension sa gobernador habang iniimbestigahan ang OMB-LA-18-0-319 o ‘Rey Mendez VS Gov. Joseph Cua and Mayor Eulogio Rodriguez.’

May kinalaman ito sa pagpayag ni Cua sa E.R. Construction na gamitin ang bakanteng lote na pag-aari ng lalawigan ng Catanduanes nang walang bayad at walang pahintulot mula sa Sangguniang Panlalawigan.