Abante Tonite Interactive

Cavite kontrabando

220

Agosto pa natunton ang apat na basyong magnetic lifter sa Cavite na hinihinala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na naglalaman ng P6.8 bilyong shabu.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na “pure speculation” lang ito ng PDEA.

Pero para itong apoy na hindi mamatay-matay dahil sa mga bagong ebidensyang isinasapubliko ni PDEA Chief Aaron Aquino patungkol sa apat na magnetic lifter sa Cavite na positibo raw sa drug residue ayon sa pang-amoy ng kanilang K9 dogs at sa ginawang pagsusuri o scientific analysis.

Ito’y kahit iginigiit ni Bureau of Customs (BOC) Chief Isidro Lapeña na sa kanilang pagsusuri ay negatibo sa illegal drugs ang mga nasabing magnetic lifter na ­inaprubahan nilang mailabas.

Para ngayong nagsasabong na mga tandang sina Aquino ng PDEA at Lapeña ng BOC lalo pa’t isinusulong ngayon ng una na dapat ay managot hanggang sa pinakamataas na opisyal ng BOC oras na mapatunayan nilang nalusutan nga ng P6.8 bilyong shabu ang ahensiya na siyang laman ng Cavite magnetic lifters.

Ilan sa teyoryang dinodokumentuhan ngayon ng PDEA: Iisa ang source ng Cavite magnetic lifters at ng 2 magnetic lifter na mayroong 355 kilong shabu.

Magkatuwang na naharang ng PDEA at BOC sa Manila International Container Terminal (MICT) noong Agosto 7 ang kontrabando. Pero giit ni Lapeña ng BOC na sa Malaysia galing ang naharang sa MICT habang sa Vietnam galing ang kontrobersyal na 4 magnetic lifter sa Cavite.

Na ang oversupply ngayon ng shabu sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay dahil sa paglusot ng shabu na laman daw ng magnetic lifters sa Cavite lalo’t nagma-match daw ang kalidad ng shabu na nakukumpiska nila ngayon sa Metro Manila raids at sa MICT kontrabando.

Dagdag na rebelasyon din itong pahayag ni dating Customs X-ray Inspection Project (XIP) chief Lourdes Mangaoang na hindi nasunod ang SOP sa pag-x-ray sa 4 na magnetic lifter sa Cavite kaya ito nailabas nang walang physical inspection na hindi dapat nangyari dahil walang dudang makikita sa x-ray na mayroon itong laman.