Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Cayetano ‘di isusuko trono

0 1,431

Wala umanong plano si Speaker Alan Peter Cayetano na bumaba sa liderato ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso pagsapit ng Oktubre sa kabila ng kasunduan diumano kay Marinduque Rep. Lord Alan Velasco na paghatian ang termino sa liderato ng kapulungan.

Nabatid ng online news site Politiko (politics.com.ph) mula sa ilang congressional insider na gustong manatili ni Cayetano bilang Speaker hanggang matapos ang 18th Congress o hanggang June 2022 at ginagamit umano nitong `bargaining chip’ sa Malacañang ang pagbasura ng Kamara sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Isang source ang nagsalita sa kondisyong huwag babanggit ang kanyang pagkakakilanlan at iginiit umano ni Cayetano na ang kanyang pananatiling Speaker ang maibibigay na `best gift’ ng Malacañang matapos ibasura ng House committee on legislative franchises ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa nito.

“Hinihingi ni APC [Cayetano] na tuloy-tuloy siya as Speaker bilang regalo or balato sa pagbagsak ng ABS-CBN,” ayon pa sa source ng Politiko.

Nabatid pa sa insider na sinasabihan umano ng tropa ni Cayetano ang kampo ni presidential son at House Deputy Speaker for Political Affairs Paolo Duterte na kapag napasakamay na ni Velasco ang Speakership ay posibleng buhayin ang franchise application ng ABS-CBN.

Pabor diumano si Velasco na bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN dahil maaari niya itong gamitin para sa posibleng pagtakbong senador sa 2022, kapag naging Speaker siya.

May kasunduan umano sina Cayetano at Velasco na maghahati ng termino sa liderato ng Kamara na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte pa umano ang bumuo.

Sa “1521 or Magellan formula” umano, uupo si Cayetano bilang Speaker sa loob ng unang 15 buwan at pagkatapos ay manunungkulan na si Velasco hanggang matapos ang 18th Congress sa June 2022.

Leave A Reply

Your email address will not be published.