Abante Tonite Interactive

Cayetano nabahag buntot sa ABS-CBN

829

Tiklop ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pangunguna ni ­Speaker Alan Peter Cayetano hinggil sa isyu ng ABS-CBN franchise renewal.

Ito’y makaraang magpadala ng liham ang Kamara sa National Telecommunications Commission (NTC) na humihiling na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para makapag-operate habang isinasailalim pa sa pagdinig ng Kongreso ang prangkisa ng ­Kapamilya network.

Nabatid sa liham ni House committee on legislative franchises chairperson Franz Alvarez na hiniling nito sa NTC na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN simula sa Mayo 4, 2020 kung kailan nakatakdang mapaso ang prangkisa nito.

Pinabatid din nina Cayetano at Alvarez sa NTC na nagsimula nang talakayin ng komite ang franchise renewal ng Kapamilya network.

Binigyang-diin pa sa liham na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang may “exclusive original jurisdiction and authority” para aksyonan ang franchise application.

“Since ABS-CBN will be allowed to continue its broadcast while we are hearing their renewal, there is no urgency that would justify a hasty proceeding. We want to be sure that this matter is given the importance it deserves,” sabi ni Cayetano.

Sa nasabing liham, hiniling pa nina ­Cayetano at Alvarez na bigyan din ng NTC ng provisional authority ang mga subsidiary at affiliate ng ABS-CBN habang dinidinig ng komite ang aplikasyon para sa franchise ­renewal nito.
Kabilang dito ang ABS-CBN Convergence Inc., Sky Cable Corporation, at Amcara Broadcasting Network (dating Studio 23).

Nakasaad pa sa liham na ilagay ng NTC sa provisional authority ang ‘terms and conditions’ na sa tingin ng ahensiya ay nararapat para sa interes ng publiko alinsunod sa mga umiiral na batas, panuntunan at mga regulasyon. (JC Cahinhinan)