Abante Tonite Interactive

Cayetano nilaglag si Villar sa P500M ‘pork’

312

Naghugas-kamay si Speaker Alan Peter Cayetano sa P500 mil­yong pondo na inilaan para sa bawat congressional district sa ilalim ng panukalang P4.1 trillion national budget sa 2020.

Inginuso ni Cayetano ang tanggapan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na siyang naglagay ng P500 milyong pondo para diumano sa infrastructure allotment ng bawat congressman.

Sinabi ito ni Cayetano matapos ang pahayag ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na posibleng maantala ang pag-apruba sa panukalang 2020 General Appropriations Act (GAA) dahil sa plano ng liderato ng Kamara na magsingit pa ng P100 bil­yong pork barrel kapag tinalakay na ang budget sa bicameral conference committee.

Una nang inamin ni Cayetano ang pagkakaroon ng P100 bilyong infrastructure allotment sa 2020 national budget o P500 milyong alokasyon para sa distrito ng bawat congressman na inilagay sa inaprubahang budget bill ng Kamara.

Pero nilinaw nito na hindi matuturing na pork barrel ang naturang pondo dahil nakapaloob aniya ito sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP) sa ilalim ng tanggapan ni Villar.

“Ngayon sasabihin niya (Lacson) may P500 million sa bawat distrito, bahala na kayo kung pork o hindi. Hindi naman kami ang naglagay noon, DPWH naglagay nun,” sabi ni Cayetano.

Ang DPWH umano ang naglagay ng line item project para sa bawat congressional district bago pa man isinumite ang NEP sa Kongreso noong buwan ng Agosto. (JC Cahinhinan)