Abante Tonite Interactive

Cayetano pahiya sa passport scam

By
5,212

Ilang buwan matapos sabihin ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na walang katotohanan ang lumabas sa pahayagang Tonite na may sindikato sa likod ng passport appointment system, nasakote naman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sindikatong nasa likod nito.

Timbog sa isang entrapment operation ng NBI sa labas ng tanggapan ng Department of Foreign Affairs sa Aseana, Pasay City ang apat na miyembro ng sindikato.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga suspek na sina Pedro ‘Peter’ Abulencia, Marlon Fria, Eddie Boy Awa-ao at Lito Awa-oa, nagbebenta ng passport appointment slots sa halagang P2,500 hanggang P6,000.

Abante Hiring – IT dep

Inireklamo sa NBI ang mga suspek ng hindi tinukoy na mga aplikante ng passport matapos silang pumirma sa DFA Passport Appointment System kung saan ay pinagbayad pa sila ng pangunang tig-P500.

Sanhi nito, nagkasa ng entrapment operation ang NBI noong Marso 12 ng umaga at naaresto ang mga suspek matapos tanggapin ni Abulencia ang P2,500 marked money.

Nasabat rin sa lugar ang iba pang mga suspek na naghihikayat sa mga aplikante na bumili ng slots ng appointment.

Isinalang ang mga suspek sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor Office sa kasong paglabag sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007 at attempted estafa na may kaugnayan sa Article 315 ng Revised Penal Code.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng NBI para malaman kung may mga kasabwat sa loob ng DFA ang mga suspek.

Noong Enero 11, 2018, kinastigo ni Caye­tano ang Tonite dahil umano sa artikulo hinggil sa sindikato sa passport appointment system na tinawag nitong ‘fake news’.

Sa ipinost nito sa kanyang Facebook page, pinasalamatan nito ang Tonite dahil sa umano’y ‘front page hatchet job’ matapos lumabas ang headline na: “Sindikato nama­yagpag kay Ca­yetano? OFWs ginagatasan sa passport appointment.”
Paliwanag pa ng Kalihim, imposible umanong mabiktima ng sindikato ang overseas Filipino workers (OFWs) sa pagkuha ng passport dahil hindi naman nila kailangan pang magpa-iskedyul ng appointment.

“May sarili silang express lane. Pati first time OFWs kasama na din sa express lane. No appointments needed,” paliwanag pa niya

Imposible din, ani Cayetano, na magbigay ang DFA ng slot sa passport appointment sa travel agencies dahil matagal nang pinatigil ang sistemang ito.