Abante Tonite Interactive

Ceasefire muna, suportahan ang mga Pinoy athlete

181

Dalawang linggo bago ang 30th Southeast Asian (SEA) Games, pumutok ang iba’t ibang isyu ng pagho-host ng Pilipinas sa event na ito.

Naungkat ito sa budget deliberation ng Senado sa 2020 proposed budget ng Bases Conversion Development Authority (BCDA), Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) kung saan si Senate Minority Leader Franklin Dri­lon ang bumangka sa lahat ng ito.

Nagsimula ito sa ‘cauldron’ o tinatawag ni Drilon na malaking ‘kaldero’ na aniya’y sob­rang excessive ang pondo. Napakamahal daw. Mantakin mo nga naman, P55 milyon ang halaga nito.

Dahil beterano na si Drilon sa pang-iinis este sa pagbusisi, nakumbinsi nito ang publiko na parang hindi worth ang pagpapatayo nito. Sabi nga niya, buti pang gina­mit ng papapatayo ng mga classroom.

Ang cauldron ay 3-meter wide. Sa design pa lang ay P4.4M na halaga, P13.4M sa foundation (imagine poste pa lang P13.4M) at P32M naman sa construction nito. Med­yo tataas nga naman ang kilay mo kasi P55M pa lang ang halaga nito.

Mahirap maghusga ngayon dahil wala pa namang pruweba na overpriced ito o hindi. Well, sabi naman ni Spea­ker Alan Peter Cayetano, na chairman ng Phisgoc, na siyang namumuno sa pag-organize ng pagho-host ng SEA Games, dumaan ito sa bidding.

Iyon nga lang wala naman siyang nai-pre­sent na document kung dumaan nga o hindi sa bidding. Bigyan natin ng benefit of the doubt. Dadaan din naman sa masususing pagsusuri ng Commission on Audit ang lahat ng ito.

Nagbanta pa nga si Drilon na paiimbestigahan niya ang ginastos ng gobyerno sa pagho-host ng SEA Games. Kabilang na dito ang P9.5B na gi­namit sa pagpapatayo ng New Clark City, kung saan itinayo ang mga bagong sports facility – ang athletic stadium at aquatic center.

In fairness naman, nasilip ko ang bagong sports center na ito at talaga namang nakakamangha, world-class ang dating at talagang maipagmamalaki mo.

Kumbaga Class 1 sports facility ito at ngayon lang tayo nagkaroon nito.

Kahit mga kala­pit natin na bansa sa Southeast Asia ay merong world-class sports facility. Nagpunta ako sa Kuala Lumpur, Malaysia gayundin sa Singapore ay nakita ko na talagang pinagkakagastusan nila nang todo.
Siyempre nga naman, magpapatayo ka na eh ‘di gandahan mo. In the first place, hindi lang naman ito magagamit ngayong tayo ang host ng SEA Games kundi para sa future use rin ito ng ating mga atleta. Maging ambisyoso na rin tayo. Malay mo mag-host uli tayo ng Asian Games o ‘di kaya’y Olympics.

Hindi mo masabi ‘di ba?

Sa ngayon kasi, sa ibang bansa pa tayo nagsasanay at malaki rin ang nilalaang budget para sa kanila. Wala naman ka­sing matinong sports facility dito sa ‘Pinas.

Halos isang linggo na lang magsisimula at laman pa rin ng balita ang iba’t ibang issue tungkol sa pagho-host ng Pilipinas sa SEA Games. Pero sabi nga ni Sen. Sonny Angara ceasefire muna sa debate tungkol dito.

Ang mahalaga sa ngayon suportahan natin ang mga Pinoy athlete at umasang ma­ging No. 1 sa paligsahang ito. Ipagdasal din natin na maging matagumpay ang pagho-host ng Pilipinas ng SEA Games dahil ang tagumpay nito ay tagumpay ng lahat ng Pilipino. We Win as One!