Abante Tonite Interactive

Ceballos, G-A muling ididiskarga ang PLDT

273

Asahan na pamumunuang muli ni spiker Fiola Ceballos ang Generika-Ayala para muling pailigpit ang Philippine Long Distance Telephone Home Fibr nga­yong Huwebes sa pagpapatuloy ng 7th Philippine SuperLiga All-Filipino Conference 2019 prelims 2.

Alas-7:00 nang gabi, maghahampasang muli ang dalawang koponan sa FilOil Flying V Centre, San Juan kung saan pakay ng Lifesavers na ulitin ang u­nang pagtabon sa Power Hitters sa prelims 1 nitong Hulyo 11, 27–25, 16–25, 25–18, 25–14.

Nakaligtas nitong Sabado, Agosto 3, ang Lifesavers kontra Cignal HD, 26-24, 19-25, 26-24, 18-25, 16-14 sa tulong ni Ceballos na nagpasabog ng 30 points at 30 excellent digs.

“I’m just playing my game kasi nga wala si Neta (Angeli Araneta),” punto ni Ceballos.

Dagdag nito, “So, ‘yun nga sabi ni coach, dapat may mag step-up talaga inside the court. Siguro ginagawa ko lang rin yung dapat gawin,” panapos niya.

Galing naman sa pagkatalo ang PLDT kontra HD Spikers nitong Martes, August 6, 23-25, 25-20, 25-16, 23-25, 15-9.

‘Di sapat ang 16, 15, 14 points na kina­yod nina Aiko Urdas, Gretchel Soltones at Jerrili Malabanan, ayon sa pagkakasunod-sunod, para sa Power Hitters. (Janiel Abby Toralba)