Abante Tonite Interactive

Cebu buy-bust: Babaeng big time supplier timbog sa 10.8M shabu

302

Umaabot sa 1.6 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10.8 milyon ang nasamsam sa isang 21-anyos na babaeng umano’y big-time supplier ng iligal na droga sa Cebu City matapos salakayin ang bahay nito sa Brgy. Mambaling kamakalawa nang hapon.

Kinilala ang suspek na si Jeanrea Tabalin, 21, na nahulihan ng 13 malala­king pakete ng shabu, ayon kay Chief Inspector Region Maramag Jr., hepe ng Pardo Police Station ng Cebu City Police Office.

Nasakote ang suspek dakong alas-kuwatro nang hapon sa bahay nito sa Sitio Camansi, Brgy. Mambaling.

Ayon pa kay Maramag, halos dalawang buwan nilang trinabaho ang pag-aresto sa suspek na nagsimula matapos lumutang ang pangalan nito sa isinagawang One Time Big Time Operation ng pulisya.

Lumalabas na si Tabalin aniya ang bagsakan ng shabu ng mga big-time supplier ng droga sa Cebu City at batay sa impormasyong nakalap ng pulisya, kaya nitong magpakalat ng kahit tatlong kilo ng shabu sa isang linggo.

Ang nakuhang 1.6 kilo ng shabu sa suspek ay tira lang umano sa kanyang supply.

Ikinulong ang suspek sa Cebu City Police Station at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.