Abante Tonite Interactive

Cebu Pacific namerwisyo ulit, mga pasahero ng HK-Manila flight ginutom

By
1,121

Pagkatapos ng perwisyong idinulot ng Cebu Pacific sa Zamboanga International Airport ay isa pang eroplano nito ang nagkaaberya ulit ngayong linggo.

Na-delay ang Cebu Pacific flight 5J113 na biyaheng Maynila galing Hong Kong. Imbes na lumipad ito ng alas-7:35 nang gabi noong Abril 25, naging alas-9:30 na nang umaga kinabukasan nakalipad ito.

Paliwanag ng airline company na pag-aari ng mga Gokongwei, nagkaroon ng ‘technical issue’ ang kanilang eroplano sa Hong Kong International Airport at kailangan ng mas matagal na maintenance para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Pero, inilabas ng Cebu Pacific ang advisory sa mga pasahero bandang alas-10:24 na nang gabi.

Sabi pa ng kompanya, naghanap ng accommodation ang kanilang mga ground staff at magbibigay din sila ng food at refreshment. Binigyan din umano nila ng travel voucher ang mga naperwisyong pasahero ng flight na natukoy na maaari nilang i-redeem sa iba pang flight at humingi ng paumanhin.

Ngunit nagreklamo naman ang mga pasaherong sina Mark Francis de Vera at Edison Uy na wala silang makitang personnel ng Cebu Pacific sa airport terminal.

Sabi ng Facebook user na si Aira Wave-Anapen, lampas hatinggabi na ay wala pa rin ang sinasabi ng Cebu Pacific na pagkain at refreshment nila at wala pang pasabi kung anong oras na sila makakalipad.

Reklamo naman ni Philip Bellecer, lampas alas-12:00 na nang hatinggabi pero kahit tubig ay hindi pa sila binibigyan.

Ito na ang pangalawang­ pagkakataon ngayong linggo na sumablay ang eroplano ng Cebu Pacific. Noong Lunes, Abril 23, ay pansamantalang ipinasara ang Zamboanga International Airport dahil nakabalandra sa runway nito ang isang eroplano ng Cebu Pacific. (Eileen Mencias)