Abante Tonite
Mabilis sa Balita

CebuPac nalagasan ng 17.5M pasahero sa pandemya

0 209

Umabot na umano sa P22.2 bilyon ang net loss o lugi ng Cebu Pacific ng mga Gokongwei noong nakaraang taon, dahil sa kabawasan ng nasa 17.5 milyong pasahero nito, simula nang mag-umpisa ang COVID-19 pandemic.

Mula sa 22.5 milyong pasahero noong 2019, naging 5 milyon na lang ang mga naging pasahero nito noong 2020. Halos 130,000 flight din ang nabawas sa biyahe nito. Mula sa 3,300 na flight kada linggo na aabot sa 171,600 sa buong taon, 41,804 na lamang ang naging flight nito noong nakaraang taon.

Nalugi man ng P22.2 bilyon ang Cebu Pacific, nakakalap naman ito ng P28.5 bilyon mula sa mga investor at bangko na magagamit ngayong taon para sa mga gastusin nito.

Bumagsak ang kita ng Cebu Pacific sa P22.6 bilyon mula sa P84.8 bilyon noong 2019 ngunit binawasan naman nito ang gastusin ng 40% sa P43.4 bilyon. Nilakihan din ng kompanya ang cargo operation nito at nilipat ang isang eroplano nito para sa cargo para makabawi.

Umaasa ang Cebu Pacific na malalampasan nito ang kinahaharap ngayon, lalo na’t nakakuha ito ng P12.5 bilyong bagong kapital sa mga investor noong Marso at may utang pa ito na P16 bilyon sa Development Bank of the Philippines, Land Bank of the Philippines, Asia United Bank, Bank of the Philippine Islands, Metropolitan Bank and Trust Company, at Union Bank of the Philippines. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.