Abante Tonite
Mabilis sa Balita

CEDSU nangunguna vs COVID-19 sa Taguig

0 60

Ang prevention at detection ay kabilang sa mga mahahalagang leksyon na ibinigay ng pandemya sa atin. Sa maagap na paghahanap sa pinagmulan ng mga nakakahawang sakit katulad ng COVID-19 at iba pang public health concerns ay naibababa ang risk ng mabilis na hawaan at pagkalat ng mga ito.

Active disease surveillance ang masusing pag-aaral ng mga eksperto sa paggalaw ng sakit, maaaring base sa contact tracing, o pagtingin sa mga pattern ng pagkakahawa upang malaman at maintindihan kung paano ito masupil.

Trabaho ito ng mga epidemiologists tulad ni Dr. Jun Sy, ang head ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) ng Taguig.

Head ng Taguig Risk Reduction and Disaster Management Unit si Dr. Jun, ngunit isa rin siyang epidemiologist by profession and training.

Bago pa man opisyal na naitala ang unang kaso ng COVID-19 sa Taguig, masusi nang minomonitor ni Dr. Jun ang iba’t ibang epidemic-prone diseases katulad ng dengue, leptospirosis, tigdas, avian influenza, cholera, diptheria, SARS, bacterial meningitis at iba pang sakit na maaaring pagmulan ng outbreak. Maagap rin ang naging monitoring sa nangyayari sa Wuhan at iba’t ibang parte ng mundo noong unang nabalita ang pagputok ng sakit.

Noong nagkaroon ng unang kaso ng COVID-19 ang Taguig noong Marso 2020, agaran ang ginawang aksyon ng CEDSU. Sa pangunguna ni Dr. Jun, naging agresibo ang pagresponde sa mga kaso ng COVID-19 sa lungsod para mailatag ang maayos na contract tracing system at active disease surveillance.

Ngayong nahasa na ang kakayahan ng CEDSU sa COVID-19 response, napalawak ng Taguig ang testing para hanapin ang mga may sakit. May mobile testing, drive-thru testing, Park ‘n Test at may testing din sa mga barangay health centers ng Taguig. Maging sa mga umiikot na vaccination buses sa lungsod ay may testing din para maudyok ang mga tao na magpa-test kahit na may bakuna na.

May sarili ding Molecular Laboratory ang Taguig kaya mabilis ang labas ng resulta ng mga tests. Sa laboratoryo ring ito ay planong pag-aralan ng CEDSU ang iba pang infectious diseases bukod sa COVID-19.

Habang lahat tayo ay naglalayo-layo upang manatiling ligtas, ang CEDSU naman ang siyang humahabol at naghahanap ng mga nagpopositibo sa COVID-19 at hinihikayat ang mga may nararamdamang sintomas tulad ng ubo, sipon at lagnat na i-report ito para sila ay matulungan sa pag-isolate at pagpapagamot.

Pagdating naman sa community quarantine, ang CEDSU ang siya ring gumagabay sa pamahalaang lungsod kung paano bubuksan ang ekonomiya at sino ang papayagang lumabas, makapamasyal at makapagtrabaho.

May malaking hamon ngayon sa susunod na tungkulin ng CEDSU at ito ay ang pagsugpo sa mas nakakahawang COVID-19 Delta variant. Kailangan ang agarang aksyon dahil ang Delta variant ay mas mapanganib, mas nakamamatay at nakakahawa maging sa mga bata, ayon sa mga pag-aaral.

Kung malakas ang disease surveillance natin, marami tayong maiiwasang sakit, hindi lang COVID-19. Sa kasalukuyan, minomonitor din ng Taguig CEDSU ang mga sakit na target for eradication tulad ng polio, measles, neonatal tetanus, rabies at malaria. Dagdag pa rito ang pagmonitor sa acute bloody diarrhea cases, acute hemorrhagic fever case tulad ng ebola, acute encephalitis syndrome, tetanus, hand foot mouth disease o HFMD, Zika virus disease at adverse event following immunizations.

Kahit ang mga non-communicable diseases tulad ng diabetes, malnutrition, teenage pregnancies, maternal deaths at neonatal deaths ay binabantayan ng CEDSU.

Ang mga epidemiologist at disease surveillance experts tulad ni Dr. Jun, kasama ang kanyang team sa CEDSU, ang pangunahing kasangga ng mga Taguigeños laban sa sakit. Sila ang gagabay sa atin para tuluyang tapusin ang pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.