Abante Tonite Interactive

‘Celebrity cops’ sa drug watchlist kasuhan

490

Kinastigo ni Senadora Leila de Lima ang Philippine National Police (PNP) dahil sa pagpayag ng mga ito na pagretiruhin ng maaga ang mga ‘celebrity cops’ na nasa drug watchlist.

“After the so-called ‘ninja’ cops, now the celebrity cops… They are the police officers the PNP has generously gifted with a graceful exit through optional retirement as a way of glossing over their involvement in illegal drugs,” pahayag ni De Lima sa isang statement.

“Ano ito, fan club? Nasaan ang pananagutan sa batas? Hindi nireregaluhan ng magarbong retirement plan ang taong-gobyerno na nagkasala sa batas at uniporme, kundi pinananagot sa husgado,” dagdag pa nito.

Ginawa ni De Lima ang pahayag matapos ihayag ni PNP chief Archie Gamboa na 357 pulis na iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga ang nagpahayag ng intensiyon na kumuha ng optional retirement.
Pero giit ni Gamboa, hindi aniya nangangahulugan na lusot na ang mga ito sa kasong kanilang kinakaharap.

Subalit giit ni De Lima, dapat sibakin at kasuhan ang mga natu­rang mga tiwaling mga pulis.

“Bakit kapag pobre ang naligaw ang landas dahil sa droga pinapatumba agad? Pero kapag pulis o opisyal ng gobyerno ang kumikita sa droga ay ginagawaran pa ng maagang retirement?” sambit pa nito. (Dindo Matining)