Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Celebrity yumabang sa mga kamag-anak

0 139

Maraming gustong sabihin ang mga kamag-anak ng isang personalidad na inaatake ng depresyon ngayon, pero dahil ayaw na nila ng gulo, nagdesisyon silang hindi na lang magkomento.

Hindi maganda ang imahe ng personalidad na ito sa kanilang mga kadugo, nang makilala na kasi siya ay bigla siyang lumayo sa kanyang mga kamag-anak, na para bang may forever ang kanyang popularidad.

Kuwento ng aming source, “Ang laki-laki ng dapat niyang tanawing utang na loob sa mga kadugo ng magulang niya, napakalaki ng naitulong sa kanilang pamilya ng mga taong ‘yun, pero lumingon man lang ba siya?

“Instead na magpasalamat, e, inilayo pa niya ang sarili niya sa mga kamag-anak nila, hindi siya nakakaalala, kaya lumayo na rin ang loob sa kanya ng mga taong hindi man lang niya naaalala.

“Huwag na ang pasasalamat, nangyari na ‘yun, hindi na nila gustong marinig ang pasasalamat ng personality na ‘yun. Pero matinding effort na ba ang makaalala man lang siya sa mga pinagkakautangan nila ng loob?

“Ilang minuto ba ang kakainin ng linyang thank you at maraming salamat? Matagal bang sabihin ‘yun? Kakainin ba nu’n ang time niya nu’ng mabentang-mabenta pa siya sa mga shows?” unang sultada ng aming impormante.

Naging maangas kasi ang nasabing personalidad. Yumabang siya. Hindi natin masisisi kung pati ang mga kamag-anak nila ay lumayo ang loob sa kanya.

Patuloy ng aming source, “Marami pang ibang taong napakalaki ng naitulong sa kanya na ni hindi man lang niya pinasasalamatan. Hindi naman siya sisikat kundi siya tinutulungan ng mga taong ‘yun!

“Nu’ng minsang kunin siya para sa isang show ng isang may malaking nagawa sa career niya, e, sinabi niya, ‘Two hundred thousand for three songs, take it or leave it!’

“Naloka ang sinabihan, kaya ang balik-komento sa kanya, ‘Ano ka ba naman? Hindi naman kita binibili, kinukuha lang kita para sa isang show!’

“Inaatake siya ngayon ng depression, maraming naglalaro sa utak niya ngayon, takot na takot siya palagi! Ayaw nang magsalita ng mga kamag-anak niya, nakikibalita na lang sila, dahil baka magkaroon pa ng gulo sa pamilya nila,” pagtatapos ng aming source.

Male or female ba ang personalidad na tinutukoy ng aming source? Ma at pa!

Gladys wasak ang bulsa

Nag-uumiyak ang stand-up comedian na si Gladys Guevarra dahil wasak na ang kanyang puso ay wasak pa ang kanyang bulsa. Naghiwalay sila ng kanyang boyfriend na si Tiger (Leon ang tunay na pangalan) pero ayon kay Gladys ay hindi ang pagkawala nito sa kanyang buhay ang iniiyakan niya.

Sa kanyang FB Live ay idinetalye ng komedyana kung magkano ang diumano’y tinangay sa kanya ni Tiger, nabawi na raw niya ang iba, pero may naiiwanan pa.

Hindi na raw niya alam kung paano niya maibabalik ang halagang binayaran ng kanilang mga kliyente dahil sa pag-alis ni Tiger ay winasak nito ang system ng ginagamit nilang computer.

“Hindi ang pagkawala mo ang iniiyakan ko, ang pagsira mo sa passion ko ang winasak mo. Wala akong kahit anong issue sa pera, of all people, ikaw pa ang gumawa nito sa akin!” pasinghut-singhot na litanya ni Gladys.

Ayon kay Gladys ay 9,100 pa ang hindi naibabalik sa kanya ni Tiger, maliit na halaga na lang kung tutuusin, pero napakalaking problema nu’n para sa komedyana.

May mga nagkokomento na nakakaawa raw naman si Gladys Guevarra dahil wala siyang suwerte sa pakikipagrelasyon. Matagumpay siyang stand-up comedian at negosyante pero mailap sa kanya ang kaligayahan.

Dapat din nating marinig ang panig ng nakahiwalay niyang si Leon, may kuwentong nakarating sa amin na ito pala ang matiyagang nagdedeliber ng mga produkto nilang mga kakanin, hanggang sa probinsiya raw ay matiyaga ang kanyang ex.

Kung naibalik nito ang mas malaking halaga ay maisasauli rin siguro ni Leon kay Glady’s ang natitira pa dahil hindi lang naman 9,100 ang halaga ng kanyang pagkatao.

Leave A Reply

Your email address will not be published.