Abante Tonite Interactive

Cellphone ng boarder ninenok ng anak ng landlord

222

Ipinadampot ng isang babaeng nangungupahan ang anak ng kanyang landlord matapos makita sa kanya ang nawawalang cellphone, kahapon nang umaga sa San Juan City.

Nakilala ang suspek na si Reynan Saura y Mondejar, 25, residente ng F. Manalo St., Brgy. Batis, San Juan City na nahaharap sa kasong theft matapos ireklamo ni Alona Grefiel, 23, dahil sa pagkawala ng kanyang Vivo cellphone na nagkakahalagang P4,000.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), inaresto ang suspek bandang alas-7:00 ng Miyerkoles nang umaga sa loob ng bahay nito, ng mga tauhan ng San Juan Police matapos magreklamo ang biktima.

Ayon sa biktima, nangungupahan siya sa bahay ng suspek at pagkauwi niya Martes nang gabi ay wala sa lagayan ang kanyang naiwang cellphone.
Pinaghinalaan niya ang suspek dahil minsan na niya itong nahuli na pumapasok sa kanyang inuupahang kuwarto.

Pagsapit ng umaga ay agad na nagtu­ngo ang biktima sa PCP 3 para ipadampot ang suspek at doon nabawi ang kanyang cellphone.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa San Juan detention cell. (Vick Aquino)