Abante Tonite Interactive

Century park pot session: 9 timbog

547

Timbog ang siyam na umano’y drug suspect nang magkasa ng buy-bust operation sa isang kilalang hotel sa Maynila ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Manila Police District (MPD) kahapon ng hapon.

Ang mga nadakip ay kinilala ni PDEA Special Enforcement Services (SES) Director III Levi Ortiz na sina Jetrick Brianne Santos alyas ‘Tol’, Jezreel Joseph Silva, Harley De Jesus, Mary Rose Santos, Ryan Alvin Tanada, Ralph Ivan Manalang, Nurshida Sabdani, Ma. Olivia Dela Llanan at Calugay Mayumi.
Sila ay naaresto dakong alas-12:50 nang tanghali kahapon sa room 455 ng Century Park Hotel sa Brgy. 720 Malate, Manila.

Bago ang operasyon, sinabi ni Ortiz na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagtutulak at pagsasagawa ng ‘pot session’ ng nasabing grupo sa naturang hotel kaya agad silang nagsagawa ng ‘surveillance’.

Nang makumpirma ang tip ay agad na nakipagkoordinasyon ang mga operatiba ng PDEA-SES sa pamumuno ni IA Winifredo Alagabia, PDEA-Regional Office-National Capital Region (RO-NCR), at Malate Police Station sa pangunguna ni P/Capt. Gil John Lobaton at sinalakay ang naturang hotel.

Nakumpiska sa mga suspek ang 43 pirasong tabletas ng ecstasy na nagkakahala­gang P107,500; tatlong sachets ng Kush (P7,000), 100 ML ng liquid ecstasy (P30,000), apat na bottles ng ketarol (P40,000) at drug paraphernalia.

Ang mga suspek at nakapiit ngayon sa PDEA headquarters habang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 5, 11, 12 at 13 at Article II ng RA 9165 na inamyendahan ng RA 10640. (Dolly Cabreza)