Abante Tonite Interactive

Cha-cha ‘di dapat nakasentro sa iisang tao – Lacson

By
1,539

Hindi dapat nakatuon ang pagbabago ng Konstitusyon sa interes ng iisang tao o ng ilang politiko.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Panfilo “Ping” Lacson kasabay ng panawagan sa Kongreso na ikonsidera ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon sa pagtalakay sa proposed federal constitution.

Ipinaalala nito na hindi ang kasalukuyang administrasyon o henerasyon ang mabibiyaan sa pagbabago ng Konstitusyon.

“Therefore, when it is transmitted to Congress, we must base our decision on what should serve best the interest of future generations of Filipinos. In fact, that should be our first and only consi­deration,” diin nito.

Iginiit naman ni Senador Kiko Pangilinan na kung ang bagong Konstitusyon ay para lamang sa interes ng iilang politiko ay mas makabubuting kanselahin na ang usapan sa Charter change (Cha-cha).

Binigyang-diin nito na dapat maging mapagbantay ang lahat at huwag payagan ang no-election scenario.

“Hindi tayo papa­yag na balewalain ang sagradong karapatan ng mamamayan na piliin ang kanilang napupusuan sa halalan. Ituloy ang halalan!” diin ni Pangilinan.

Tulad naman sa mga nakaraang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte, duda si Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na gagawin ng Punong Ehekutibo ang kanyang pahayag na magbibitiw sa sandaling maisulong ang Charter change.

“That is a trap! Huwag tayo magpapaloko ulit sa mga pangakong ganyan ni Duterte,” saad ni Trillanes.