Cha-Cha wala sa pokus ng Senado

Hindi kasama sa mga prayoridad na panukalang batas ng Senado ang isyu ukol sa Charter Change (Cha-Cha) o pag-amyenda sa 1987 Constitution, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
“Hindi pa namin pinag-uusapan ‘yan and best to ask the SP [Senate President Vicente Sotto III] about it,” pahayag ni Zubiri sa kanyang text message sa mga reporter.
Sabi ni Zubiri, nakapokus ang Senado sa pagpapatuloy ng sesyon sa panukalang tax reform at pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA),

Nakatakda ring ratipikahan ng Senado ang bicameral committee report sa panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) na naglalayong babaan ang corporate income tax sa 20%.
Kasama rin ang iba pang prayoridad na panukala tulad ng Coco Farmers Trust Fund at ang Confirmation of Imperfect Land Titles.
Ang iba pang isasalang sa ikatlong pagbasa ay ang mga sumusunod: paghihiwalay ng bilangguan para sa mga preso na hinatulan sa mga karumal-dumal na krimen; pagbababa ng minimum height requirement para sa mga nais maging pulis, bumbero at jail guard; at ang pagbabawal sa child marriage. (Dindo Matining)