Abante Tonite Interactive

Chabi Yo, Concepcion minanduhan ang Tigers

262

Mabangis na kumayod si Soulemane Chabi Yo ng 32 points at 25 rebounds upang paaribahin sa tuktok ng Aspirants Group standings ng 9th PBA 2019 D-League elims ang University of Santo Tomas Growling Tigers makalipas sakmalin ang Go for Gold-CSB, 94-82, Martes ng gabi sa Paco Arena sa Maynila.

Bumakas si Sherwin Concepcion ng 13 markers at 19 boards bilang agapay kay Chabi Yo para mamayagpag sa liderato ang Growling Tigers karay ang 4-0 kartada habang dulas sa 1-3 ang Scratchers.

“We started flat buti na lang ‘yung second stringer ko bumawi. It’s a pre-season game, ang prio­rity namin is how to improve as a team and nakikita ko na marami pang dapat trabahuin,” ani USTe coach Aldin Ayo. “Sana habang tumatagal ‘yung liga sana mas mabuo kami as a team.”

Sinamantala rin ng España-based team na walang foreigner sa Go for Gold kaya’t naging kumbinsido ang resulta sa kabila ng maagang ragasa ng Scrat­chers, 11-1.

Si Justin Gutang na may 29 pts. at 11 rebs. ang namuno sa GFG.

Umukit naman ng rebounding record na 30 kalakip ang 21 pts. si Senegalese big man Malick Diouf upang pasanin ang Centro Escolar University sa pagtibag sa Valencia City Bukidnon-SSCR,71-65.

Mag-isa na rin sa Foundation Group lead ang Scorpions sa 4-0 at sinalya ang Golden Stags sa 3-1.(Fergus Josue, Jr.)