Abante Tonite Interactive

ChaCha pagbobotohan na

304

Pagbobotohan na ngayon ng House Committee on Constitutional Amendments ang panukalang pag-amyenda ng konstitusyon o kilala sa tawag na charter change (ChaCha).

Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, chair ng komite, kanilang dedesisyunan kung anong mga rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Constitutional Reform ang kanilang isasama sa report na isusumite nila kay Speaker Alan Peter Cayetano.

“We will decide what recommendations of the Inter-Agency Task Force on Constitutional Reform we will include in our report to Speaker Alan Peter Cayetano and the plenary,” ayon kay Rodriquez.

Paglilinaw ni Rodriquez, ang rekomendasyon ng task force ay kinokonsidera nilang mga Cha-Cha proposal ng administrasyon dahil ang grupo ay binuo ng Pangulo.

Nagsagawa umano ng mga nationwide consultation ang grupo bago ito nagsumite ng kanilang rekomendasyon sa komite.

Si Local Government Secretary Eduardo Año ang namuno ng task force, habang nagsisilbi si Justice Secretary Menardo Guevarra bilang vice chairman. Binubuo ito ng siyam na ahensya.

Una nang sinabi ni Rodriguez na karamihan sa panukala ng grupo ay tugma rin sa kanilang isinusulong na panukala na nakapaloob sa kanilang inisyal na committee report. (Eralyn Prado)