Abante Tonite Interactive

Chairman ng Biñan, tinambangan sa Sta. Rosa

1,222

Patay ang isang barangay chairman ng Biñan City, Laguna matapos tambangan habang sakay ng kanyang SUV sa Sta. Rosa, Laguna Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Christopher Dimaranan, 42-anyos, chairman ng Brgy. Sto Tomas, Biñan City.

Ayon kay Police Lt. Col. Eugene Orate, hepe ng Sta. Rosa City police, nangyari ang pananambang sa Laguna Boulevard, sakop ng Brgy. San Jose, Sta. Rosa City, makalagpas lamang ng boundary ng Biñan.

Minamaneho ng chairman ng itim na Fortuner patungong Nuvali nang biglang harangin ng isang Montero dakong alas-tres ng hapon.

Bumaba sa sasakyan ang tatlong lalaking armado ng mahahabang baril at saka niratrat ang driver side ng Fortuner bago mabilis na tumakas.

Nasawi noon din ang chairman samantalang hindi naman nasugatan ang kasama nito sa sasakyan na kanyang barangay treasurer at kaibigang negosyante.
Inaalam ngayon ng Sta. Rosa City police ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek. (Ronilo Dagos/Edwin Balasa)