Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Champion

0 371

Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso, isa pang idol sa hanay ng mga kababaihan ang ating bibigyan ng pagpupugay—ang aking Ate at panganay sa aming magkakapatid, si Senator Pia Cayetano.

Masasabi kong isang all-around champion si Ate Pia. Bukod sa pagiging mambabatas, ina, tagapagtanggol ng women’s rights at brodkaster, isa rin siyang abugada, columnist, entrepreneur, triathlete at former volleyball player ng national team na lumahok sa Asian games.

‘Ika nga ni Ate Pia, ang lahat ng papel na ito na kanyang ginagampanan ay nagagamit sa kanyang pagiging mambabatas at masugid na tagapagtanggol ng mga karapatan ng kababaihan. Siya ay may training bilang isang abogado, may disiplina ng isang atleta at may puso ng isang ina.

Ang pinakahuling naging accomplishment ni Ate Pia bilang isang senador ay ang pagpasa ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o ang CREATE na mahigit 20 taon na ipinaglaban ng iba’t ibang administrasyon para maipasa sa Kongreso. Iba’t ibang bersyon ang inihain ng mga naunang administrasyon na CREATE bill ngunit ang pangunahing layunin nito ay iisa. Ito ay upang mapababa ang 30% corporate income tax rate ng Pilipinas na pinakamataas sa buong ASEAN at mairepaso at mapaganda pa ang mga insentibo na binibigay sa mga investor para sila ay maakit na mag-invest sa bansa.

Sa panahon lang ni Ate Pia bilang chairperson ng Senate ways and means committee naipasa ng Kongreso ang CREATE bill. Ito ay natataon dahil magsisilbi ang pinababang corporate income tax rate na 20% para sa mga micro, small, and medium enterprises bilang tulong para sila ay makatawid sa krisis na bunga ng pandemya.

Si Ate Pia rin ang pinakabatang babae na naging senador nang magsimula siyang magsilbi sa Senado noong 2010. Napakaproduktibo ng kanyang pagiging senadora mula noong una siyang umupo sa Senado 10 years ago hanggang sa ngayon.

Ilan sa mga batas na kanyang pinagpursigihan na maipasa ng Kongreso ay ang Reproductive Health Law (Republic Act 10354) at Sin Tax Reform Act (R.A. 10351) na nagbunga ng iba pang batas para maitaas ang buwis sa ‘sin’ products tulad ng sigarilyo, alak at maging electronic cigarettes. Ang mga sin tax laws na naipasa ni Ate Pia ay ang pinagkukunan ngayon ng pondo para sa Universal Health Care Program. Bukod pa sa benepisyo ng mga batas na ito ay nakakatulong din ang mga sin tax laws para maiwasan ang pagkakaroon ng bisyo tulad ng paninigarilyo at paglalasing, lalo na ng ating mga kabataan.

Bukod pa rito, si Ate Pia ang nagpursigi para maisabatas ang Establishment of Persons with Disability Affairs Office Act (R.A. 10070), Expanded Senior Citizens Act (R.A. 9994), Food and Drugs Administration Act (R.A. 9711), at Magna Carta of Women (R.A. 9710).

Siya rin ang may akda ng Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act (R.A. 9502) para maging mas abot-kaya ang mga gamot para sa mga mahihirap.

Bukod sa pagiging senadora ay naging Deputy Speaker rin si Ate Pia sa Kamara de Representante, kung saan naging makabuluhan at napakaproduktibo ng kanyang pagsisilbi dito.

Hindi lamang sa loob ng Kongreso aktibo si Ate Pia. Marami na siyang sinalihan na Ironman Triathlons na isa sa pinakamahirap na races para sa mga triathletes. Ito ay napakadali para kay Ate Pia. May iba rin siyang mga triathlon na sinalihan sa Pilipinas at sa iba’t ibang bansa kung saan madalas ay kabilang siya sa top 3 finishers.

Aktibo rin si Ate Pia sa Gabriel’s Symphony Foundation na tumutulong sa mga batang may kapansanan at special needs. Sa Bike for Hope naman ay aktibo niyang itinataguyod ang road safety at healthy lifestyle sa pamamagitan ng pagbibisikleta. Kasali rin si Ate Pia sa Pinay in Action na nagtataguyod ng women empowerment sa pamamagitan ng sports.

Malinaw sa lahat ng mga nagawa ni Ate Pia ang pagiging isang tunay na modelo ng women empowerment.

Muli, isang pagpupugay at pasasalamat sa aking champion na si Ate Pia. Siya ay patuloy na nagseserbisyo nang tapat para sa bayan at nagsisilbing isang inspirasyon sa marami nating kababayan. Kay Ate Pia at sa lahat ng mga mahuhusay na kababaihan, saludo ako sa inyo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.