Abante Tonite Interactive

Chanel bag na presyong ₱38K ninenok, binenta

195

Arestado ang isang 28-anyos na lalaki matapos mabuking sa pagnanakaw ng pina-repair na mamahaling Chanel bag kamakalawa sa Barangay Santolan, Pasig City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Peter Ralf Pontillo, 28-anyos, leather repairman ng Pasig City at nahaharap sa kasong qualified theft.

Inaresto ang suspek bandang alas-sais Huwebes ng gabi sa Econal Bldg. Brgy. Santolan, matapos ireklamo ni Erica Marie, 48, businesswoman, ang kanyang repairman nang mabuking sa pagbebenta ng ipinaayos na mamahaling bag na nagkakahalagang P38,000.00

Ayon sa report, isang negos­yante ang nagpa-repair ng kanyang Chanel vintage black leather bag na ninakaw umano ng suspek at ibinenta naman sa isang hindi na pinangalanang bag collector.

May damage umano ang bag kaya nagpunta ang bag collector sa nasabing leather bag repair shop subalit nakilala ito ng may-ari ng shop kaya agad na pinahuli ang kanyang repairman. (Vick Aquino)