Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Checkpoints: Ano dapat gawin?

0 278

Dahil mula sa GCQ ay demoted ang Metro Manila sa pagiging MECQ, dumami na naman ang mga checkpoints dahil bahagi ito ng pinaigting na pagpapatupad ng limitasyon sa galaw ng tao sa hangaring mapababa ang mga nahahawaan ng COVID19.

Maraming mga motorista ang tila nagugulat at nalilito sa mga sistemang ipinapatupad sa mga checkpoints na dinadaanan kaya naisip ko na magbigay ng ilang mga dapat gawin sakali mang tayo ay mapagawi sa mga kalyeng nagpapatupad ng ganitong uri ng seguridad.

At narito ang ilan sa mga dapat na gawin ng mga motorista kapag mayroong checkpoint sa kanilang unahan:

Bagalan ang pagpapatakbo hanggang sa dumating sa mga alagad ng batas na nagmamando, tumigil kapag nasa unahan na ng pila ng mga sasakyan.

Kung sa gabi mapapadaan, malayo pa lamang ay siguraduhin nang nasa low o dim ang settings ng headlight. Ang paglalagay sa dim o low sa malayo pa lamang ay isa nang indikasyon para sa mga nagmamando ng checkpoint na inirerespeto o kinikilala na sila ng nagmamaneho ng paparating na sasakyan.

Kapag malapit na sa mga nagmamando, patayin na ang headlight at panatilihin na lamang na bukas ang foglights (kung ang iyong sasakyan ay mayroon nito) para hindi na masyadong malimitahan ang visuals sa panig ng mga magmamaneho.

Buksan ang room lamp o cabin lights bago pa man buksan ang bintana bilang respeto sa mga nagmamando sa checkpoints. Kung maraming pasahero ay buksan din ng bintana sa likuran ng ng drayber. Karaniwang nasa kaliwa ang nagmamando ng checkpoint dahil ang unang kinakausap nila ay ang drayber ng sasakyan.

Tandaan na ang mga sakay, pati na ang drayber ay hindi na kailangang bumaba ng sasakyan at hindi rin dapat na binubuksan ng mga nagbabantay sa checkpoints ang pintuan ng mga ito.

Sumagot ng buong galang at diretso sa mga tanong ng nagbabantay, karaniwang ang team leader ng checkpoint ang nagtatanong sa mga motorista.

Marahang umarangkada kapag pinadiretso na makalipas na tanungin at saka na isara ang bintana, patayin ang room lamp o cabin light at buksan ang headlight kapag tuluyan nang nakalagpas sa checkpoint.

Ang lehitimong checkpoint ay unipormado ang mga nagmamando, may angkop na mapagkakakilanlan gaya ng ID ang mga nagbabantay, signage o kaya ay tarpaulin na malinaw ang pagkakasulat ng detalye ng kanilang team at may sapat na liwanag o nakapuwesto sa liwanag kahit sa gabi.

Huwag kakabahan o matatakot sapagkat maaring dahilan ng checkpoint ay magbigay ng babala o tip sa mga kakatuwang bagay o pangyayaring naganap sa unahan na pupuwede ninyong maiwasan o kaya naman ay malampasan.

‘Yan lang po muna sa ngayon.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.