Abante Tonite
Mabilis sa Balita

CHED itotodo face-to-face class sa kolehiyo

0 60

Pinag-aaralan na ngayon ng Commission on Higher Education (CHED) ang posibilidad na payagan na rin ang limitadong face-to-face classes sa lahat ng degree program sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 at mataas ang bilang ng mga indibiduwal na bakunado na.

“Kung papayag ang local government, kung mataas ang vaccination rate sa area at mababa naman ang classification as far as COVID is concerned, baka papayagan na natin sa mga susunod na buwan ang mga eskuwelahan na mag-limited face-to-face in all of their degree programs,” ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera sa Laging Handa public briefing kahapon.

Sinabi ni De Vera na ilang unibersidad na ang mayroong high vaccination rate sa kanilang mga personnel at mga estudyante.

Tinukoy nito ang Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte na nakapagbakuna na umano ng 91% ng kanilang faculty at 97% ng mga estudyante na dumadalo sa face-to-face classes.

Base aniya sa October 6 report, nasa 73% na rin ng mga higher education personnel mula sa 1,488 unibersidad at mga kolehiyo ang nabakunahan na laban sa COVID.

“So malapit na tayo doon sa percentage na kailangan para maging ligtas talaga sila,” aniya pa.

Idinagdag rin ng opisyal na ang mga higher education institution na malayo sa Metro Manila ang karaniwang mayroong mababang vaccination rate.

Inihayag din ni De Vera na ilalarga nila ang vaccination caravan sa mga paaralan para maihanda ang mga estudyante at mga school personnel sa posibleng face-to-face classes.

Nauna nang pinayagan ang limitadong face-to-face class noong Enero para sa mga medical courses sa ilang paaralan sa Metro Manila at umaasa si De Vera na madadagdagan pa ang mga kursong papayagan na magsagawa ng in-person classes sa mga susunod na araw. (Dolly Cabreza/Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.