Abante Tonite
Mabilis sa Balita

CHED lulusawin face-to-face class

0 662

Hindi na ibabalik ng Commission on Higher Education (CHED) ang tradisyonal na face-to-face class sa halip ay ipatutupad na nito ang flexible learning policy kahit matapos na ang pandemya ng COVID-19.

Nabatid na ipinahayag ito ni CHED Chairman Prospero De Vera III sa isang webinar noong Biyernes kung saan ay ipagpapatuloy na umano nila ang implementasyon ng flexible learning na ipinatupad ngayong school year 2021.

“From now on, flexible learning will be the norm. There is no going back to the traditional, full-packed face-to-face classrooms. The commission has adopted a policy that flexible learning will continue in School Year 2021 and thereafter,” ayon kay De Vera.

Ipinaliwanag naman nito na ang pagbabalik ng face-to-face class ay posileng magdulot ng hawaan ng COVID-19 habang may pandemya pa sa bansa.

Kapag bumalik aniya sa mga face-to-face class ay masasayang lamang ang mga naging investment sa teknolohiya, pagsasanay ng mga titser at pagsasaayos ng mga pasilidad ngayong pandemya.

Binigyang-diin pa ni De Vera na kailangang mag-adjust ang mga guro sa bagong sistema ng pagtuturo.

Kinontra naman ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), Anakbayan at iba pang grupo ng mga kabataan ang anunsiyo ng CHED na paglusaw sa face-to-face class.

Giit ng NUSP, ang face-to-face class pa rin ang pinakamabuting paraan ng pagtuturo sa bansa. Lalo lamang umano mahihirapan ang mga estudyante na ngayon ay hirap na rin aspetong pinansiyal, mental at emosyonal habang nag-aaral sa panahong may pandemya. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.