Abante Tonite
Mabilis sa Balita

CHED: Mga college student posibleng walang bakasyon

0 66

Maaaring walang summer break o bakasyon ang mga estudyante sa kolehiyo at unibersidad dahil sa nagaganap na adjustment ng academic calendar na dulot ng COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Prospero de Vera, ang mga kolehiyo at unibersidad ay mayroong karapatan na magpatupad ng pagbabago sa kanilang school calendar kung saan posibleng maapektuhan ang summer break na kadalasang nagaganap tuwing Marso hanggang Mayo, o kaya ay Christmas break o ang pagkakaroon ng klase tuwing Sabado at Linggo.

“Isa pa kasing worry ng mga schools is `yong may summer break. Eh di, tanggalin mo `yong summer break, mag–two semester ka ng school year, no more summer,” paliwanag ni De Vera.

Nilinaw naman ni De Vera na posible ang pagkakaroon ng klase ng weekend dahil flexible ang schedule ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

“Kasi nga, flexible ka. Hindi ka naman every day, 8-9 a-attend ng klase. Yung iba, twice a week lang magme-meet because everything now is done on a flexible manner,” ayon pa kay De Vera.

Una nang nagbigay ng direktiba ang CHED sa mga unibersidad na paigtingin ang online learning.

“Sabi ko sa mga schools, if you are not ready, `wag magbukas. Several schools need another round of consultation, and they moved the opening of their classes,” aniya pa. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.