Abante Tonite Interactive

CHED sa DOF: Huwag galawin ang pondo sa libreng tuition

By
117

Aapela ang Commission on Higher Education (CHED) sa Department of Finance (DOF) na huwag isama ang kanilang ahensiya sa mga posibleng matapyasan ng pondo sa sandaling ipatupad na ang suspensiyon sa paniningil ng excise tax.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Atty. Cinderela Jaro, Executive Director ng CHED na nakipag-ugnayan na sila sa mga opisyal ng Department of Finance (DOF) para alamin ang mga ahensiyang maaaring masagasaan kapag naipa­tupad ang suspensiyon ng excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Inclusion and Acceleration (TRAIN).

Naniniwala si Jaro na kung hindi talaga maiiwasang mapabilang sila sa maapektuhan ng budget reduction, bahagya o katiting lang ang magiging epek­to nito sa ahensiya.

Nauna rito nagpahayag ng pangamba ang CHED sa posibilidad na maapektuhan ang budget para sa libreng edukasyon ng mga estudyante sa kolehiyo sakaling suspendihin.

Kaugnay nito, sinabi ni Senador Sonny Angara na kung maipa­tutupad aniya nang husto ang lahat ng probinsiyon ng TRAIN law ay mas marami ang mapapakinabangan ng sambayanan.

Umaasa si Angara na mauunawaan ng publi­ko na maliit na bahagi lamang ng kabuuhan ng TRAIN Law ang excise tax sa produktong petrolyo.