Abante Tonite Interactive

Cheng, La Salle sinakal ang Ateneo

By
204

Naging mainit ang paluan ng De La Salle University Lady Spikers at rival team Ateneo de Manila University Lady Eagles sa UAAP Season 81 wo­men’s volleyball tournament, Linggo ng gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay.

Matindi ang naging laban sa harap ng libong fan at pagkapawi ng usok ay nakatindig ang Lady Spi­kers nang ilugmok ang Lady Eagles, 25-14, 25-17, 16-25, 25-19.

Ikinagulat ng lahat ang pagpasok ni transferee ­middle blocker Des Clemente sa loob ng court at Palarong Pambansa standout rookie Jolina dela Cruz.

Sinamantala ng Taft-based volleybelles ang mga unforced error ng mga ba­libolista ng Loyola Heights para makuha ang opening set.

Nagpaulan din ng limang service ace ang mga Lasalista para lalong mabaon ang mga Atenista.

Tinuloy-tuloy pa nina May Luna, Michelle Cobb at Aduke Ogunsanya ang magandang simula para pataubin ng DLSU ang AdMU sa second set.

Pero pinaikot nina Kat Tolentino at Bea de Leon ang laro sa third set kung saan ay humataw na ang mga agila.

Nagkaroon ng 11 unforced errors ang mga mamamana kaya naman nagkatsansa ang mga ­agila para pahabain pa ang ­laban.

Hindi na pinayagan ni team captain Desiree Cheng na makahirit ang Lady Eagles sa fourth set kaya itinodo ang puwersa sa kanilang opensa.

Tinanghal si Cheng na best player of the game sa hinambalos na 13 points sa likod ng 8 attacks, 2 blocks at 3 services aces.

“Before the game, parang ni-remind ko ‘yung team na this game, win or lose, hindi ito ‘yung magde-define sa amin,” dada ni Cheng. “We just need to work harder.”

Susunod na makakaharap ng Lady Spikers ang ­Adamson University Lady Falcons sa Sabado, Peb. 23 sa The Arena-San Juan. ­(Janiel Abby Toralba)