Abante Tonite Interactive

Chief vet ng Alaminos hinatulan sa kinumpiskang manok

By
1,309

Hinatulan ng Sandiganbayan ang beterinaryo ng Alaminos City at dalawa pang opisyales ng pagkabilanggo ng anim hanggang 10 taon dahil sa pagkukumpiska ng 2,455 kilos ng karne ng manok noong Abril 2009.

Ang hinatulan ay sina City Veterinarian Ronaldo Abarra, Meat Inspector Joseph Soriano at Security Officer na si Lyndon Millan, pawang empleyado ng gobyerno ng Alaminos Pangasinan. Pinagbabayad din ang mga ito ng ng P226,954.80 plus interes.

Ito ay base sa reklamong inihain ng pribadong complainant na San Vicente Dressing Plant.

Sa 37-pahinang desisyon, kinakitaan ng anti-graft court ang mga akusado na “guilty beyond reasonable doubt” sa paglabag sa Section 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019).

Base sa Court records, noong Abril 17, 2009, nagsabwatan umano ang mga respondents sa pag-order, pagkumpiska at pag-agaw ng mga produkto ng manok na pag-aari ng San Vicente na nagkakahalagang P250,000.00.

Inakusahan umano nilang “hot meat” ang poultry dahil hindi kumpleto ang dokumentasyon at sa kalaunan ay ibinibigay sa Philippine National Police, Public Order at Safe Office, lokal na pamahalaan at isang ospital.

Ayon sa pag-uusig, “ang kargamento ay dokumentado habang dumadaan ito sa kinakailangang inspeksyon, kalinisan at mga legal na kinakailangan para sa inspeksyon ng karne.” (Riz Dominguez)