Abante Tonite Interactive

Chiefs, Altas gumitgit sa No. 2

96
WHISTLING HEADTURNER. Agaw-pansin sa The Arena sa San Juan kahapon ang magandang referee na si Aga Drabik ng Poland, isa sa pumito sa 70-59 panalo ng Arellano laban sa Benilde. Naka-braid ang mahabang buhok na blonde, matining ang Polish accent ni Drabik tuwing sumisigaw na ikinatuwa ng fans. (Jhay Jalbuna)
WHISTLING HEADTURNER. Agaw-pansin sa The Arena sa San Juan kahapon ang magandang referee na si Aga Drabik ng Poland, isa sa pumito sa 70-59 panalo ng Arellano laban sa Benilde. Naka-braid ang mahabang buhok na blonde, matining ang Polish accent ni Drabik tuwing sumisigaw na ikinatuwa ng fans. (Jhay Jalbuna)

Sumiksik sa four-way tie for second ang Arellano University at Perpetual Help matapos umbagin ang magkahiwalay na nakatunggali kahapon sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan.

Binarog ng Chiefs ang College of Saint Benilde Blazers 70-59 sa pangatlong laro, habang sinilo ng Altas ang 71-68 panalo kontra Lyceum of the Philippines Pirates sa second game para itarak ang tig-5-2 win-loss records at saluhan sa No. 2 ang defending champion Letran Knights at Mapua Cardinals.

Sumikwat ng 16 puntos si Jio Jalalon para iuna agad ang Arellano, 16-4 sa first quarter at ibaon ng todo ang Blazers sa ilalim ng team standings na bokya pa rin sa walong salang.

Nangamote ang opensa ni Nigerian import Bright Akhuetie ng Perpetual matapos bantayan ni Mike Nzeusseu ng Lyceum.

Sa fourth quarter umangas si Akhuetie nang isalpak ang 10 sa kanyang 13 puntos at ilista ang three-game streak ng Perpetual.

Bukod sa opensa ni Akhuetie sa huli, sinandalan din ng Altas ang mahigpit nilang depensa.

“It was our defense that helped us and we never gave up,” saad ni Perpetual Help coach Gimwell Gican. “Bright also stepped up big even though he struggled almost the whole game.”

Muntik magkaroon ng extra five minutes pero sumablay ang 3-pointer ni Shaq Alanes at nalasap ng Pirates ang pang-apat na talo sa pitong laban.

Si Cameroonian Nzeusseu ang bumanat ng 18 puntos para sa Lyceum, tumipa si Mer Ayaay ng 15 points.

Samantala, naputol ang five-game losing skid ng Emilio Aguinaldo College Generals matapos paluhurin ang San Sebastian College Stags 73-67 sa unang laro.

Nirehistro ni Hamadou Laminou ang 18 points, 16 rebounds at five blocks, kinamada ni Jorem Morada ang 18 puntos para sa Generals (2-5).