Abante Tonite Interactive

Chinese big time drug lord binitag sa NAIA

401

Isang miyembro ng Chinese drug syndicate ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Grifton Medina, hepe ng BI port operations division, naharang si Hong Liangyi, 29, sa departure area ng NAIA Termimal 3, Linggo ng gabi.

Aniya, pasakay sana si Hong sa flight patu­ngong Istanbul, Turkey bago ito bumiyahe papuntang Tehran, Iran.

Sinabi ni Medina na hinuli si Hong matapos lumabas ang pangalan nito sa kanilang database na may hold departure order (HDO) at may kinakaharap na warrant of arrest dahil sa iligal na droga sa Cavite at Batangas.

Nakilala aniya si Hong na miyembro ng Dragon Wu International Syndicate na itinuturong responsable sa distribusyon ng iligal na droga sa bansa.

Lumalabas na Enero 2018, si Hong kasama ang dalawa pang Chinese drug suspect ay binabaan ng HDO ng Tagaytay City Regional Trial Court.

Mayroon ding hiwalay na drug case si Hong kasama ang 13 iba pa sa Rosario, Batangas na una nang naglabas ng arrest warrant noong Hunyo 2018. (Mina Aquino)