Abante Tonite Interactive

Chinese driver sumingit sa Skyway, sinalpok

0 145

Isang pampasaherong bus at isang kotse na minamaneho umano ng isang Chinese national ang nagkabanggaan sa bahagi ng Skyway sa Pasay City malapit sa NAIA Terminal 3 nang bigla umanong sumingit sa kabilang linya ang huli kahapon nang madaling-araw.

Wasak na wasak ang likurang bahagi ng kotse na may plakang NAW 5103 mula sa ‘di pa natutukoy na pangalan ng Tsinong driver.

Bukod sa kotse ay nawasak din ang unahan ng bus na may plakang TYF 997 na may rutang Pacita-Navotas.

Bago ang aksidente, napag-alaman na patungong Resorts World Manila ang kotse na sinasabing minamaneho ng isang Intsik kasama ang kapwa nito dayuhan.

Nabatid na nag-overtake umano ito para makalabas sa NAIA exit.

Kuwento naman ng bus driver, ura-urada umanong gumitna ang kotse mula sa fast lane sabay-tigil dahilan para masalpok ito ng kabuntot na bus.

Bagaman malakas ang pagkakabangga ng bus sa likurang bahagi ng kotse, wala namang nasugatan sa aksidente.
Agad din namang naayos ang daloy ng trapiko nang mabilis na maialis sa lugar ang nagbanggaang sasakyan.