Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Chinese kidnap gang nalambat sa PNP rescue

0 125

Arestado ang dalawang Chinese national sa pagdukot sa kanilang kababayan na nasagip din sa rescue operation sa Lapu-Lapu City, Cebu, ayon sa ulat ng Philippine National Police kahapon.

Sa ulat ng PNP-Anti Kidnapping Group AKG Visayan Field Unit (AKG-VFU) kahapon, Mayo 4 nang dukutin ng suspek na sina Rong Tong Xue at Gou Min Li ang biktima at kanilang kababayang si Li Hong Yu, negosyante at estate developer, sa isang kainan sa Sitio Soong 2, Barangay Mactan, Lapu-Lapu City.

Matapos ang operasyon nitong Mayo 7 ay matagumpay na nailigtas ng mga operatiba si Yu nang salakayin ang safehouse ng mga suspek sa Vistamar Village sa Barangay Mactan ng nasabi ding lungsod. Hindi na nakapalag ang mga suspek nang paligiran ng operatiba ng AKG.

Ayon kay Police Lt. Sozimo Ravanes Jr., hepe ng AKG -VFU, isinapubliko lamang ang insidente kahapon matapos ang follow up operation sa posibleng pagdakip sa ilan pa nilang kasabwat.

Humirit ang mga suspek ng $200,000 o P10 milyon sa pamilya ng biktima subalit sa maagap na pagkilos ng awtoridad ay natunton ang mga suspek at wala umanong naganap na bayaran.

Matapos masagip ay agad dinala sa ospital ang biktima dahil sa mga pasa at sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan habang ang isang daliri ay bali sa pagpapahirap ng mga suspek.

Ayon pa sa pulisya, ang mga suspek ay miyembro ng Chinese kidnap for ransom gang na nakabase sa Metro Manila na bumibiktima ng kanilang mga kababayan.

Mayroon din umanong mga Pinoy na kasabwat ang mga ito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.