Abante Tonite Interactive

Chinese kinidnap ng preso sa bilibid

By
4,272

Isang preso sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang itinuturong utak ng kidnapping sa isang negosyanteng Chinese sa Cabuyao, Laguna.

Ayon kay Senior Supt. Glenn Dumlao, hepe ng Anti-Kidnapping Group sa Camp Crame, na-monitor nila na isa si Tyrone dela Cruz, nakakulong sa NBP noon pang Disyembre 2017, sa nakikipagnegosasyon sa pamilya ng dinukot na Chinese national na si Hunag Bo Yu, 30-anyos.

Si Dela Cruz umano ang nakikipagnegosas­yon sa pamilya ng biktima sa halagang P15 milyon para mapalaya ang dinukot na dayuhan.

Pero may isa pa umanong nakikipagnegosasyon din sa pamilya ng biktima para mapalaya din ito.

“Nagtataka kami kung bakit may 2 negotiator and magkaiba ang location nila. That’s when we found out na ‘yung isang negotiator, nasa National Bilibid Prison,” pahayag ni Dumlao.

Matatandaang dinukot si Yu ng mga armadong lalaki dakong alas-11:45 ng umaga noong Hunyo 24 matapos na pasukin ng mga suspek ang tindahan ng biktima.

Doon ay naabutan nila ang biktima at isang kostumer na si Gerry Rabina, 39-­anyos, na nataong bumibili lang sa tindahan.

Matapos kunin ang P70,000 cash na kita ng tindahan at pera ng kostumer na si Rabina ay tinangay ng mga suspek ang negosyante sakay ng kanilang van.

Nailigtas na kamakalawa ng mga tauhan ni Dumlao ang biktima at apat sa mga suspek ang naaresto habang ang iba pa ay nakatakas.

Base sa impormasyong nakalap ni Dumlao, si Dela Cruz ang nagsasabi kung saan itatago ang biktima at kung paano kokolektahin ang ransom.
Isinagawa umano ang pagpaplano ng pagdukot sa loob ng NBP kung saan nagkunwaring mga dalaw sa bilangguan ang mga kasabwat ni Dela Cruz.