Abante Tonite Interactive

Chinese na dumura, nag-eskandalo sa McDo inaresto

520

Dinakip ng mga ­tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila ­Police District (MPD) ang isang negosyanteng ­Chinese na nag-viral sa social media matapos ang ginawang pagdura at panggugulo sa isang sangay ng McDonald’s kamakalawa.

Nakilala ang Chinese na si Jinxiong Cai alyas ‘Willy Choi’, 35-anyos.
Dinampot ito matapos ang utos ni Manila Mayor Isko Moreno na nagalit sa ginawa ng suspek.

Ayon kay Major ­Rosalino Ibay, hepe ng MPD-SMaRT, alas-7:50 ng gabi ng Sabado nang arestuhin si Cai sa 9th Floor Amenities area ng Orchard Garden batay na rin sa reklamo ni Alejandro Natividad, 63-anyos, security guard ng McDo­nald’s na matatagpuan sa Masangkay Street, Tondo.

Nag-viral sa social media ang video ng suspek na makikitang nakaupo sa loob ng resto dakong alas-dos ng madaling-araw noong Sabado, Pebrero 22, at dumura sa sahig ng kainan ­habang nagbibitiw ng hindi magagandang pananalita laban kay Natividad at crew ng McDonald’s.

Nakuhanan rin umano ng CCTV footage ang suspek na habang patungo sa kainan ay itinulak pa ang dalawang nakaparadang motorsiklo sa harapan ng Orchard Residences sanhi upang mabuwal ito at masira.

Nakarating sa alkalde ang ginawa ng suspek kaya inatasan nito ang SMaRT na arestuhin ang Chinese. (Juliet de ­Loza-Cudia)